Responsableng lingkod-bayan, dapat nagbabayad ng tamang buwis
- BULGAR
- 2 days ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 17, 2025

Bawat mamamayan ay naghahangad ng pantay na kontribusyon na nagmumula sa gobyerno, na sa kabilang banda ay may obligasyon din naman sa pagbabayad ng buwis. Ang bawat buwis kasi na ibinabawas mula sa sahod ng mga ordinaryong manggagawa, ay siya ring ginagamit sa pagpapaganda at pagsasaayos ng ating bansa.
Subalit para sa mga tumakbo ngayong halalan, hindi ba’t may pananagutan din sila sa buwis, tulad ng mga simpleng empleyado?
Sa panibagong paalala ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na ang lahat ng kandidato at partidong lumahok sa 2025 halalan ay kailangang sumunod sa mga patakaran sa pagbubuwis — isang responsibilidad na madalas ay hindi nabibigyang pansin sa panahon ng kampanya.
Ayon sa BIR, lahat ng kandidato, partido, at partylist groups ay dapat maglabas ng BIR-registered na resibo o invoice para sa anumang campaign contributions, maging ito man ay cash o in-kind.
Bukod dito, obligadong mag-withhold ng 5% sa kabuuang bayad nila sa mga supplier ng campaign materials at serbisyo — isang hakbang upang masigurong makakolekta ng tamang buwis ang gobyerno.
Hindi rin sapat ang pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections (Comelec) lamang. Dapat itong isumite rin sa BIR upang ma-audit kung tugma ang kanilang ginastos sa kanilang tinanggap na pondo. Lalo na kung may sobra sa halagang natanggap na kontribusyon kumpara sa gastos, sapagkat kailangang buwisan ito bilang income.
Nagbabala naman si Lumagui na kung lababag ay hindi lamang pagmumultahin, kundi maaaring humantong sa kasong tax evasion. Kaya hindi dapat kinalilimutan ang pagbabayad ng buwis. Sa ilang kaso, maaaring maging basehan pa ng disqualification
ang hindi pagtalima sa nasabing batas.
Marahil, ang pagkampanya ay hindi lamang tungkol sa pagpapakilala sa publiko at panunuyo ng boto. Isa rin itong legal na obligasyon na nangangailangan ng transparency, accountability, at tamang dokumentasyon. Walang sinuman — kahit kandidato — ang dapat ilagay ang sarili sa itaas ng batas. Ang pagsunod sa patakaran sa buwis ay hindi pasanin, kundi bahagi ng pagiging isang responsableng mamamayan at lider.
Sa dami ng mga nangangako ng pagbabago tuwing halalan, dito pa lamang sa simpleng pagsunod sa batas masusukat kung sino ang tunay na karapat-dapat.
Ang buwis ay hindi simpleng obligasyon, ito ang haligi ng pondo para sa mga ospital, paaralan, kalsada, at serbisyo-publiko.
Kaya kung ang mga ordinaryong manggagawa ay agad na kinakaltasan ng tax sa kanilang suweldo, dapat ganito rin ang trato sa mga pulitiko na may akses sa mas malalaking pondo.
Sa ganitong sistema ng pagkakapantay-pantay sa obligasyon — nagiging totoo ang diwa ng demokrasya. Dahil ang tunay na lider ay hindi lang mahusay sa salita at pangako, kundi tapat din sa kanyang tungkulin bilang taxpayer.
At sa isang lipunang naghahangad ng tapat na pamamahala, ang unang hakbang ay pagsunod sa batas — kahit ikaw pa ay nasa balota.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários