top of page

Ang walang katapusang ‘LakaRun’ tungo sa liwanag at kalayaan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 18, 2025



Fr. Robert Reyes


‘Lakaran’ ang tawag nina Andres Bonifacio sa banal na paglalakbay tungo sa liwanag na isinasagawa ng mga miyembro ng Katipunan bilang espirituwal na paghahanda sa kanilang paglaban para sa ating kalayaan.


Ito ang lakaran noon na tila hindi pa rin natatapos hanggang ngayon. Mahaba-haba na rin ang personal nating lakaran na tinawag nating ‘LakaRun’ o lakad at takbo para sa kaliwanagan, katotohanan, katarungan at kalayaan. Tatlongpung taon na ang lumipas nang sinimulan natin ang LakaRun mula Monasterio ng Carmel sa Subic, Zambales hanggang Monasterio ng Carmel sa New Manila, Quezon City. At mula noon hanggang ngayon, wala pa ring tigil ang ating paglakad at pagtakbo tungo sa kalayaan ng ating mahal na Inang Bayan.


Bukas, Lunes, Mayo 19, tuluy-tuloy ang ‘LakaRun tungo sa Kaliwanagan’. Mag-aalay tayo ng misa (alas-6 ng gabi, EDSA Shrine) para sa patuloy na paghahanap at paglaban para sa kaliwanagan ng mga mamamayang Pilipino. 


Isang linggo na bukas mula nang matapos ang kontrobersiyal na halalan 2025. Kontrobersiyal dahil sa nakakadismayang papel ng mga automated counting machines o ACM na gawa ng MIRU, isang Koreanong korporasyon. 


Sa buong bansa, sari-saring palpak ang naranasan ng mga botante dahil sa mga ACM ng MIRU. Hindi pala gawa para sa mainit na temperatura. Kapag naiinitan, bumabagal o tumitigil ang makina. Kaya’t makikita sa mga presinto ang mga electric fan na nakatutok sa mga ACM. Sa mga presinto sa Quezon City inabot ng siyam-siyam ang pagboto dahil sa mabagal at depektibong ACM. 


At tulad ng nakaraang 2022 election, napakabilis natapos ang botohan. Napakabilis na nagkaroon ng partial and unofficial results para sa “Magic 12” na mga senador. Nakapagtataka at kaduda-duda ang bilis nito.


Ngunit salamat at nakapasok ang dalawang kandidato na magbibigay pag-asa sa matagal ng dismayadong mamamayan. 


Hindi pumapasok sa “Magic 12” ng mga survey sina Kiko Pangilinan at Bam Aquino ngunit kagulat-gulat nang lumabas na No. 2 si Bam at No. 5 si Kiko sa nanalong senador. Nakatataba rin ng puso ang pagpasok sa Kongreso nina Leila De Lima at Ciel Diokno bilang mga Kinatawan ng kani-kanilang partylist.


Hindi kailangan ang maraming kandila sa madilim na gubat. Hindi man nanalo ang lahat ng mga kandidatong inaasahan nating bumuo ng tunay at lehitimong oposisyon, ngunit kikilos at maglilingkod ng tapat ang mga naghahanap at nagdadala ng liwanag.

Sa Martes, Mayo 20, 2025, maglalakbay tayo patungo ng Espanya para isagawa ang maikling Camino de San Tiago de Compostela. Ihahatid kami ng van (kasama natin ang 12 mga peregrino) mula Madrid hanggang Sarria (503 kilometro). Magkasamang maglalakad ang ating munting grupo ng mga peregrino mula Sarria hanggang San Tiago de Compostela, kung saan nakalibing si San Tiago, Apostol.


Matagal nang ginagawa ng maraming peregrino ang Camino de San Tiago de Compostela. Kakaiba ang Camino, paglalakad na isasagawa ng munting grupo natin. Hindi lang basta personal na banal na paglalakbay o pilgrimage, kundi lakbay-panalangin para sa ating mahal na simbahan at bansang Pilipinas.


Daang taon na ang nakalipas nang sinimulan ni Apolinario de la Cruz (Ermano Pule o Manong Pule) ang kanilang ‘Lakaran’. Pundador si De la Cruz ng Confradia de San Jose ng Lucban, Quezon (1832). 


Isinasagawa ng mga kawani ng Confradia ang ‘Lakaran’, ang banal na paglalakbay tungo sa kaliwanagan at kalayaan ng mga Pilipino sa España. 


Hindi nagustuhan ng mga Kastila, kapwa kapangyarihang sibil at relihiyoso ang mga gawain ng grupo ni De la Cruz. Pinaghinalaang merong rebolusyonaryong pakay ito, kaya’t hindi naglaon ay napilitang umiwas at magtago ang Confradia ni De la Cruz. 


Nang mahuli ng mga guardia sibil (sundalong Kastila) si Ermano Pule at kanyang mga kasama, pinagpapatay ang mga ito. Ayon sa mga sinaunang ulat, pinagpira-piraso ang katawan ni Manong Pule at tinuhog ang mga ito sa mga kahoy na ikinalat sa mga kalye sa bayan ng Lucban bilang babala sa sinumang magtangkang lumaban sa mga Kastila.


Daan taon na nga ang nagdaan, at iba’t ibang mananakop at kalaban na ang ating hinarap. Mula sa mga Kastila, kasunod ang mga Amerikano at Hapon at ngayon, hindi lang mga banyagang mananakop kundi sarili nating mga kababayan ang umaagaw sa atin ng kaliwanagan at kalayaan.


Naririyan ang mapanakop na pagbabaybay ng mga barkong Tsina sa ating West Philippine Sea, at sa kasawiang palad, naririyan din ang mga patuloy na pinagkakanulo ang ating bansa.


Dalawang camino, dalawang paglalakbay ang hindi matatapos at kailangang tapat nating ipagpatuloy. 


Dapat tapat tayong maglakbay tungo sa Diyos at sa kanyang kaharian. Ganoon din bilang mga tapat na anak ng Inang Bayan, walang sawa, habang buhay na paglalakbay tungo sa liwanag at kalayaan ng lahat.

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page