Republicans, nilunod ang Buffalos sa President's Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 8, 2022

Humugot ng inspirasyon mula sa mga kababayan si gwardiya Marlon Monte at binuhat ang DF Bulacan Republicans sa kumbinsidong 110-86 panalo sa bisitang Cagayan Valley Water Buffalos sa unang araw ng 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup hatid ng FSD Insurance at Converge sa Bulacan Provincial Capitol Gym Linggo ng gabi.
Sa ibang mga laro laro, wagi ang Las Pinas Lodis sa Narvacan Panthers, 114-92, at sinundan ng tagumpay ng Laguna Pistons sa Quezon Barons, 101-94.
Nagtala si Monte ng 21 puntos upang mapili na Best Player at 5 iba pang kakampi ang nag-ambag ng 10 untos. Kahit umarangkada agad ang Republicans sa first half, 62-36, bumawi ang Cagayan Valley at bumuhos ng 37 puntos sa third quarter upang lumapit, 63-78, subalit kinapos sa huli ang lakas sa kahahabol.
Gitgitan ang tapatan ng mga beteranong koponang Pistons at Barons at dumaan sa 12 tabla at 18 palitan ng lamang. Pumasok bilang reserba si Aries Santos at gumawa ng 19 puntos buhat sa apat na tres para maging Best Player. Sinundan siya nina Raymart Amil na may 14 puntos at Angelo Rosale na may 11 puntos.
Sa unang laro, nagpakilala ng mabuti ang baguhang Lodis at inulanan ng 15 three-points ang kapwa-baguhang koponan Panthers sa pangunguna nina Elvin Chan at Domark Matillano na may tig-apat. Umabot ng 39 ang lamang ng Las Pinas sa 4th quarter, 110-71, bago gumawa ng 14 sunod-sunod ang Panthers para tuluyang mabawasan ang huling agwat.





Comments