Reporma sa edukasyon, programa sa learning recovery, tututukan na rin ng gobyerno
- BULGAR

- Jul 31, 2025
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 29, 2025

Ibinida sa nagdaang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ilan sa mga naipasang panukalang batas ng inyong lingkod na may kinalaman sa reporma sa edukasyon at learning recovery, bagay na ating ipinagpapasalamat dahil ipinakikita nito na nakatutok ang administrasyon sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Isa sa mga ibinida nitong nagdaang SONA ang ating Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act. Layon ng naturang batas na bigyan ng libreng tutorials ang ating mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong.
Kabilang sa mga layong tulungan ng ARAL Program ang mga mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan na bumalik o babalik sa paaralan matapos mahinto sa pag-aaral; iyong mga hindi umaabot sa minimum proficiency levels na kinakailangan sa reading, mathematics, at science; at mga hindi pumapasa sa mga test sa loob ng school year. Sa kanyang SONA, tiniyak ng Pangulo na magpapatuloy ang mga tutoring at remedial programs.
Nabanggit din sa SONA ang Early Childhood Care and Development System Act na isinulong din ng inyong lingkod. Layon ng naturang batas na ito na makamit ang universal access sa mga programa at serbisyong may kinalaman sa early childhood care and development (ECCD).
Magiging saklaw ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa pangkalusugan, nutrisyon, pati na rin ang early childhood education at mga social services development programs para sa mga kabataang wala pang limang taong gulang. Sa ilalim ng batas, magiging responsibilidad ng mga local government units ang pagpapatupad ng mga programa at serbisyo para sa ECCD, kabilang ang pagpapatayo ng mga child development centers (CDCs).
Sa talumpati ng Pangulo, tiniyak niyang magpapatayo ng mga CDC, lalo na sa mga barangay na wala pang ganitong pasilidad. Nabanggit din ng Pangulo na isang bilyong piso ang inilaan para sa pagpapatayo ng mga CDCs sa mga barangay na wala pang ganitong center. Kasunod ito ng paglagda sa isang joint circular sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM), kung saan napagkasunduan na popondohan ang mga CDCs sa mga low-income municipalities gamit ang Local Government Support Fund (LGSF).
Una nating iminungkahi ang hakbang na ito noong tinatalakay pa lang natin ang Early Childhood Care and Development System Act sa Senado. Dahil sa batas, matitiyak na nating magagamit ang LGSF sa pagpapatayo ng CDC sa mga fourth at fifth class municipalities.
Nabanggit din ng Pangulo na magdadagdag tayo ng mga school counselor upang tugunan ang mga isyu sa bullying at mental health sa ating mga paaralan. Alinsunod ito sa pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act na isinulong din ng inyong lingkod.
Asahan na tututukan natin ang mga hakbang na gagawin ng administrasyon sa pagpapatupad ng mga ito. Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, pagsisikapan ng inyong lingkod na magkaroon ng sapat na pondo para maipatupad ang mga pangakong ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments