top of page
Gary V. - IG.jpg

Rent-tangay modus, umaarangkada

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 5, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | December 5, 2023


Babala sa mga nagpapahiram o nagpaparenta ng kanilang mga sasakyan na maging mapanuri sa inyong katransaksyon upang hindi mabiktima ng rent-tangay modus.


Batay sa mga otoridad, may nagreklamo sa kanilang tanggapan na isang may-ari ng sasakyan nang hindi agad naisauli ang nirentahang kotse sa kanya sa napagkasunduan nilang araw.


Subalit sa follow-up operation ng pulisya, apat na lalaki na sangkot umano sa rent-tangay modus ang kanilang inaresto sa Novaliches, Quezon City.


Ayon kay PCpt. Melchor Tomulto ng Novaliches Police Station 4, naghinala na rito ang biktima dahil ang GPS ay nawawala-wala ang signal at hindi nagtutugma ang mga binabanggit ng nagrenta roon sa totoong posisyon ng sasakyan.


Gayundin aniya, nalaman pa nila na dahil meron silang grupo ng mga nagpaparenta ng mga sasakyan, na ang nagrerenta ay meron nang previous complaint, kung saan ay hindi nagbabalik ng mga nirentahan niya. Subalit sa tulong ng biktima ay nadakip ng mga otoridad ang mga suspek.


Base sa imbestigasyon ng pulisya ay may kani-kanya umanong papel sa modus ang mga suspek. Tumatayong renter at lider ang isa sa kanila, tagahanap ng buyer ang isa, habang nagbibigay naman ng mga pekeng dokumento ang ikatlo sa miyembro, at driver ng grupo ang isa pa.


Sinabi pa ni Tomulto, maraming pumupunta sa kanila na nanakawan ng motor, sasakyan, at nanggagaling ang mga ito sa iba-ibang lugar, na may taga-Valenzuela, taga-Caloocan, taga-Maynila.


Nahaharap naman ang mga suspek sa mga reklamong paglabag sa Anti-Carnapping Law, Anti-Fencing Law, at Theft.


Hindi talaga paawat ang mga mandarambong na kahit sa anong paraan ay gagawing makapanloko.


Marahil, dapat na magdoble-ingat at huwag na huwag agad na magtitiwala. Tiyakin at kilalanin muna nating mabuti ang taong kinakausap.


Paalala rin sa lahat lalo na at papalapit na ang Kapaskuhan, at dahil sa marami ang magsisiuwian sa kani-kanilang mga probinsya at magbabakasyon, mag-ingat sa pakikipagtransaksyon para makaiwas tayo na mabiktima ng ganitong klase ng modus.


Sa kinauukulan, sana ay mas pagbutihan pa ninyo ang pagbabantay at pagtugis sa mga masasamang loob. Umaasa ang taumbayan sa inyong proteksyon at pangangalaga para hindi mabiktima ng mga mandurugas.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page