top of page

Relief goods ng mga biktima ng kalamidad, ‘di dapat pinakikialaman

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 20, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 20, 2024



Boses by Ryan Sison


Muling iginiit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ilegal ang pakikialam o pagre-repack ng family food packs (FFPs) ng kagawaran.


Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian sa isang press briefing, tinitingnan ng ahensya ang katapatan o veracity ng mga reklamo na natanggap nila sa email, at iba pang mga complaint.


Binigyang-diin ng kalihim na kanilang hahabulin ang mga ito gaya ng mga medikal, mga ayuda na mula sa pamahalaan, cash man ito o kaya ay in kind tulad ng family food packs, dahil ibinibigay ang mga ito ng buo. Walang karapatan aniya ang sinuman na bawasan ang laman ng mga ito.


Aniya pa, ang mga FFP boxes ay may kasamang DSWD seal at may ispesipikong bilang ng mga nilalaman.


Ang isang kahon ng FFP ay naglalaman ng anim na kilo ng bigas, apat na piraso ng canned tuna, dalawang canned sardines, apat na lata ng corned beef, limang sachet ng 3-in-1 coffee at limang sachet ng cereal drink, na dapat na makukuha ng apektadong residente.  


Umaasa naman ang kagawaran na sa pamamagitan ng babalang ito, masisiguro nila na ang lahat ng mga karapat-dapat na benepisyaryo ay makakatanggap ng tamang kalidad at dami ng mga goods o ayuda na para sa kanila.


Sa ilalim ng Section 19 ng Republic Act No. 10121, o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Act of 2010, may ilang mga gawain na ipinagbabawal at ang mga lalabag dito ay mananagot at mapaparusa tulad ng itinatakda sa Section 20 ng parehong batas.


Kabilang sa mga prohibited acts ang paglilipat o maling paghahatid ng mga relief goods, equipment, o iba pang mga aid commodity sa mga indibidwal maliban sa nararapat na recipient.


Isa pang itinuturing na prohibited acts ay ang misrepresenting ng pinagmumulan ng mga relief goods, equipment o iba pang aid commodities sa pamamagitan ng alinman sa covering, pag-replace o defacing sa mga label ng mga lalagyan upang lumabas na ang goods, equipment o iba pang aid commodity ay nagmula sa ibang ahensya o mga indibidwal; pagre-repack ng mga goods, equipment o iba pang aid commodities sa mga lalagyan na may iba’t ibang markings upang lumabas na ang goods ay nagmula sa ibang ahensya o mga indibidwal. 


Ayon kay Gatchalian, ang sinumang lalabag ay maaaring pagmultahin ng P50,000 hanggang P500,000 o pagkakakulong ng anim na taon hanggang 12 taon, o pareho batay sa pagpapasya ng korte. 


Marahil, tama lang na papanagutin at parusahan ang sinumang susubukin ang ganitong klase ng ilegal na gawain, ordinaryong mamamayan man o opisyal ng gobyerno.


Pati ba naman kasi ayuda at mga relief goods na nakalaan para sa mga biktima ng kalamidad ay pakikialaman, na halip na tumulong sa ating mga kababayan ay namerhuwisyo pa.


Mahiya at makonsensya naman sana, gayundin, mas pairalin ang kabutihan ng puso na handang tumulong sa kapwa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page