Registration seal badge para sa proteksyon ng online seller at buyer
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 7, 2026

Nararapat lang na higpitan at i-modernize ang sistema ng pagbubuwis sa panahon ngayon, lalo na’t dumarami na ang kumikita online. Hindi para pahirapan ang maliliit na negosyante, kundi para gawing patas ang laban at protektado ang parehong seller at buyer sa digital na merkado.
Sa inilabas na Revenue Memorandum Circular No. 38-2026, ipinakilala ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang paggamit ng Registration Seal Badge na may QR Code bilang bagong patunay ng registration ng mga kumikita online.
Sakop nito ang malawak na hanay ng digital earners—mula sa online sellers at freelancers hanggang sa influencers, vloggers, at mga propesyonal na nag-o-operate sa iba’t ibang platform.
Sa halip na ilantad ang buong Certificate of Registration (COR), na naglalaman ng sensitibong detalye tulad ng Taxpayer Identification Number (TIN) at business address, mas pinili ng BIR ang mas ligtas at praktikal na opsyon: isang QR Code-based badge na maaaring i-verify agad.
Sa ganitong paraan, napapadali ang beripikasyon habang napo-protektahan ang personal na impormasyon ng mga negosyante.
Libre ang pagkuha ng nasabing badge at maaaring gawin sa pamamagitan ng Online Registration and Update System (ORUS) o direkta sa Revenue District Office. Gayunpaman, may kaakibat na P30.00 Documentary Stamp Tax para sa mga mag-a-update ng kanilang rehistro online. Hindi rin sapilitan para sa mga kasalukuyang taxpayer na palitan ang kanilang lumang COR, ngunit malinaw ang panawagan ng BIR na mag-update para sa mas maayos at modernong transaksyon.
Para sa pamahalaan, mas mapapalawak nito ang tax base at masisigurong lahat ng kumikita—online man o offline—ay nag-aambag nang tama.
Para naman sa publiko, lalo na sa mga mamimili, nagsisilbi itong dagdag seguridad laban sa panloloko, dahil mas madali nang matukoy kung lehitimo ang isang online seller.
Sa ganang akin, hindi lang ito usapin ng buwis kundi ng tiwala. Habang patuloy na lumalago ang digital economy, mahalagang sabayan ito ng malinaw na regulasyon na hindi lang nakatuon sa koleksyon kundi pati sa proteksyon.
Ang kailangang pagtuunan ng pansin ngayon ay kung paano mapananatiling simple at abot-kaya ang pagsunod sa mga patakarang ito, lalo na para sa maliliit na negosyante na nagsisimula pa lamang.
Ang hakbang na ito ng BIR ay isang paalala na ang digital na kabuhayan ay hindi hiwalay sa responsibilidad bilang mamamayan. Kung maipapatupad nang maayos at may sapat na suporta, maaari itong maging tulay tungo sa mas transparent, patas, at mapagkakatiwalaang online marketplace para sa lahat.




Comments