Regine, naudlot… JANE, SI VILMA ANG GUSTONG MAG-GUEST SA FINALE NG DARNA
- BULGAR
- Feb 5, 2023
- 3 min read
ni Julie Bonifacio @Winner | February 5, 2023

Pagkatapos maudlot ang special appearance ni Asia’s Songbird Regine Velasquez sa ABS-CBN’s fantaserye na Darna, curious ang marami kung sino pa ang puwedeng umapir sa finale episode ng iconic series na pinagbibidahan ni Jane de Leon.
When we had the chance na makausap nang solo si Jane after ng Q&A sa finale mediacon ng Darna, itinanong namin kung sino ang gusto niyang magkaroon ng special appearance sa ending ng serye if she’s given a choice.
Mabilis na sinabi ni Jane ang pangalan ng Star for All Seasons na si Vilma Santos. Sa true lang, super-bongga si Ate Vi as Darna at walang kakabog sa mga ginawa niyang movies about Mars Ravelo’s superheroine character.
Not one, not two but three times nag-Darna si Ate Vi na pawang super mega blockbusters noon.
Sana lang ay mapagbigyan si Jane sa kanyang wish. But nonetheless, alam naman natin ang kalagayan ngayon ni Ate Vi, naghahanda na siya para sa bonggang anniversary celebration niya sa showbiz this year.
Nand’yan pa naman sina Angel Locsin, Lorna Tolentino, Nanette Medved, Anjanette Abayari and of course, si Megastar Sharon Cuneta.
Anyway, kudos sa tatlong direktor ng Darna na talaga namang angat na angat pagdating sa ipinamalas na teknolohiyang in-apply nila sa fantaserye.
Nagulat kami to find out na mga bihasa na pala sila sa paggawa ng ganitong genre na palabas sa telebisyon. Ang tinutukoy namin na mga direktor ay sina Benedict Mique, Avel Sunpungco and Darnel Villaflor.
Si Direk Benedict ay naging bahagi pala ng Darna series na pinagbidahan ni Angel noon.
“This is full circle for me kasi I was part of the first TV show na Darna na si Angel Locsin (ang bida). I was part of the creatives then and then now, I’m directing. For a filmmaker, Darna was a playground na sobrang sarap maglaro. Minsan ka lang magkakaroon ng ganitong show na ibibigay sa iyo 'yung lahat ng resources to play with. As a filmmaker, it was an absolute playground. Ang sarap,” pahayag ni Direk Benedict sa mediacon.
Dugtong pa niya, “Actually, nahihiya ako kasi ang gagaling namin pala. Kahit saan ka magtanong na parte ng bansa, nagpunta ako ng Amerika, sa Canada, pinapanood nila 'yung Darna. Nakakahiya, 'di ba, ang galing natin. Salamat sa lahat ng pumansin, bash, kasi you helped us improve, and the industry needs that.
“Boring ang buhay natin kung puro tayo, ‘Ay, ang galing n'yo!’ We needed that push from all of you, guys, who were saying both positive and negative. Because du'n namin napatunayan na hanggang huli, we have billions of views and etcetera and it represented so much, hindi lang sa industry. Binuhay nito ang industry na sabi ng ABS-CBN na gagawa kami ng mahal na mahirap pero susugal kami.”
Isang malaking karangalan naman para kay Direk Avel ang maging parte ng Darna. At the same time, malaking pagsubok din daw sa kanya ang serye.
Paliwanag ni Direk Avel, “Pero gusto kong balikan 'yung opportunity na ito especially nu'ng nag-uumpisa kami nu'ng nakakuha kami ng learnings from Direk Chito (Roño) and then during the process ng paggawa, kasi 'yung generation nina Jane (De Leon), nag-push din sa amin para makasabay din kami ru'n sa hinihingi ng kuwento para magkaroon ng difference 'yung Darna noon sa Darna ngayon.
“Isang malaking venue ito for us na mga directors para i-explore ang aming mga kakayahan, ang aming experiences para ikuwento ang bagong Darna.”
Si Direk Darnel naman ay matagal nang fan ng Darna ni Jane bago pa man napasama at naging direktor ng serye sa ABS-CBN. Napapanood lang daw niya ito dati pero ngayon ay isa na rin siya sa mga direktor.
Ang gusto raw niya sa Darna, "Nandu'n 'yung magbigay ng magandang mensahe sa pamilya, especially. 'Yung mga individual characters, 'yung pag-aangat sa kababaihan na kaya rin nila talagang mag-lead ng isang grupo at maging inspirasyon for everybody. So for that alone, napakasaya ko na naging part ako ng Darna,” lahad ni Direk Darnel.
Tutukan ang pinakamatinding giyera sa huling linggo ng Darna, Lunes hanggang Biyernes, 8 PM sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, CineMo, A2Z, at TV5.
Available rin ang ABS-CBN series na ipinrodyus ng JRB Creative Production sa iWantTFC at TFC.





Comments