Red Sole, matikas sa PHILRACOM Rating Based
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |October 27, 2022
Hindi nagpadaig si Red Sole dahil ipinakita rin nito ang kanyang husay noong Linggo nang manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Hinangaan si Red Sole ng kanyang mga tagahanga nang manalo ito ng banderang tapos.
Nirendahan ni former Philippine Sportswriters Association, (PHILRACOM) Jockey of the Year awardee Jessie B. Guce, inirehistro ni Red Sole ang tiyempong 1:26 sa 1,400 meter race.
Sinabayan ni Red Sole ang tulin sa largahan ni Don Damiano kaya halos magkapanabayan sila sa unahan hanggang sa pagpasok ng huling kurbada.
Determinadong manalo ni Red Sole, hindi na siya nadikitan sa rektahan kaya tinawid nito ang meta ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Street Smart.
Hinamig ng winning horse owner ang added prize na P10,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli de Leon.
Tumersero si Don Damiano habang pang-apat si Money Dance. Matagumpay ang naging pakarera ng Metro Manila Turf Club Inc. noong Linggo kaya masaya ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments