Realtors, Q'Finalist na; Gensan ni Gerald, Wagi
- BULGAR
- Dec 19, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 19, 2021

Pormal nang pumasok ang Sta. Lucia-Pasig Realtors sa quarterfinals ng CTG Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Invitational 2021 sa 86-61 pagdurog sa All-Star Bacolod Ballers sa MOA Arena Sabado. Wala pa ring talo ang Realtors (4-0) at tiyak na sila na ang numero uno sa Grupo A kasama at binitbit din ang nagpapahingang Iloilo United Royals (3-1) bilang pangalawa sa grupo.
Gumawa agad ng malakas na aksiyon si Rudy Lingganay sa 9 ng kanyang 16 puntos sa first quarter para sa 27-13 na lamang. Lumobo ang lamang ng Pasig sa 86-58 sa 4th quarter.
Sinuportahan si Lingganay ni Jeckster Apinan na may 14 puntos. Tanging si Arben Dionson ang naka 10 puntos para sa ABB na nagpaalam sa kartadang 3-2.
Natikman ng GenSan Warriors ang unang panalo at pinabagsak ang Bulacan Kuyas, 90-82. Dalawang Best Player ang napili sa katauhan nina RJ Ramirez na may 22 puntos at Pamboy Raymundo na may 18 puntos. Tabla ang laban sa 39-39 matapos ang halftime at iyan ang naging hudyat para kay Ramirez at Raymundo para magtrabaho. Matapos gumawa ng 15 at 12 sa kanilang huling dalawang laro, nalimitahan sa 2 puntos lang sa fourth quarter si Gerald Anderson subalit walang nakapigil sa pag-akyat ng Warriors sa 1-3 at pumantay sa Kuyas.
Sa mga laro noong Biyernes ng gabi, nanatiling perpekto ang Go For Gold AICC-San Juan Knights at ibinigay sa Muntinlupa Cagers ang ikatlong sunod na pagkabigo, 71-67. Bago nanalo ang Pasig, kinuha ng Iloilo United Royals ang unang hakbang patungong semis at pinadapa ang Bacoor Strikers, 71-66. Pumukol ng 19 puntos si Levi Hernandez at sinundan ni Chito Jaime na may 16 puntos at 12 rebound.





Comments