Search
  • BULGAR

Raptors, nilapa ng COVID-19 Lakers at Bucks, malakas

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 2, 2021





Balik ang defending champion Los Angeles Lakers sa pangalawang pwesto ng NBA Western Conference matapos talunin ang Golden State Warriors, 117-91, sa tampok, na laro kahapon mula sa Staples Center. Nakakuha ng tulong ang Lakers sa Milwaukee Bucks na hinila pababa ang LA Clippers, 105-100.


Sa tindi ng opensa ng Lakers ay umabot ng 35 ang lamang bago magsara ang third quarter, 98-63, kahit maagang pinahinga si LeBron James. Naglaro lang ng 24 minuto si James subalit nanguna pa rin sa kanyang 19 puntos at sinundan nina Markieff Morris at Alex Caruso na parehong may 13 upang umangat sa 24-11 habang 19-16 ang Warriors.


Kinailangan ng Bucks ang dunk ni MVP Giannis Antetokounmpo at dalawang free throw ni Khris Middleton sa huling 10 segundo upang tuldukan ang kanilang paghabol galing sa pitong puntos, 83-90. Ipinasok ni All-Star Jayson Tatum ang huling anim na puntos ng laban kasama ang nagpapanalong buslo na may apat na segundo sa orasan upang makumpleto ang paghabol ng Boston Celtics sa Washington Wizards, 111-110. Nagtapos si Tatum na may 31 puntos at tinulungan nina Kemba Walker na may 21 at Daniel Theis na may 20 upang masayang ang 46 ni Bradley Beal ng Wizards na nagmintis ang huling tira na aagaw sana sa panalo.


Samantala, ipinagpaliban ng NBA ang nakatakdang laro ng Chicago Bulls sa Raptors matapos hindi makabuo ang Raptors ng walong manlalaro at pati rin si Coach Nick Nurse bunga ng COVID-19 protocol. Ito na ang ika-30 laro na apektado ngayong taon.


Patuloy din ang mahusay na laro ng Miami Heat at pinadapa a ang Atlanta Hawks, 109-99. Bumida si Kendrick Nunn na may 24 puntos at double-double si Bam Adebayo na 16 puntos upang pumasok ang Miami sa tabla kasama ang Boston at Toronto Raptors sa 17-17.


Umangat sa 18-17 ang New York Knicks matapos lalong ibaon ang kulelat na Detroit Pistons sa ilalim ng Eastern Conference, 109-90. Nagpasikat muli ang tambalan nina All-Star Julius Randle na may 25 puntos at RJ Barrett na may 21. Bumalik sa aksyon si Justise Winslow at nagpasabog ng 20 puntos sa 133-84 pagdurog ng Memphis Grizzlies sa Houston Rockets.


Ipinakita ni Devin Booker na karapat-dapat siyang maging All-Star sa 43 puntos para parusahan ang Minnesota Timberwolves, 118-99. Tumulong si sentro Deandre Ayton sa 22 puntos.


Kinumpleto ni Malik Monk ang three-point play na may 1.4 segundo sa laban upang makalusot ang Charlotte Hornets sa Sacramento Kings, 127-126. Namuno sa tagumpay si PJ Washington na may 42 puntos at rookie LaMelo Ball na may 24 puntos.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.