Rap Bell, Hot Hot Hearts, Tiger Boy, Karizma, Patok
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 18, 2021
Makikilatis ng mga karerista ang bakbakan ng mga bagitong kabayo ngayong araw ng Huwebes sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Dalawang Maiden races ang pakakawalan. ito'y ang 3-Year-old & Above at 2-year-old na ikakasa sa Race 4 at 5 ayon sa pagkakasunod.
Anim na kalahok kasama ang couple entry ang magtatagisan ng bilis sa 2-YO race kung saan ang distansya ay 1,300 meter race.
Posibleng maging liyamado sa nasabing karera ay ang kalahok na sina Rap Bell na sasakyan ni BZ Llarenas at Hot Hot Hearts na gagabayan naman ni Dan Camanero.
Naniniwala naman ang ibang karerista na malaki rin ang tsansang manalo ng magkakamping sina Noir at National Treasure sa event na may premyo na P10,000.
Ang ibang makikipagtagisan ng bilis ay sina Static at Little Ms. Saturday.
Samantala, ang paghaharap naman nina Tiger Boy at Karizma ang inaasahang aabangan ng mga karerista sa 3-Year-Old & Above Maiden Race.
Ayon sa mga dehadista, kahit two-horse affair ang tingin ng ibang karerista ay para sa kanila ay may ibang puwedeng manalo sa nasabing event na may habang 1,400 meter race. "Mga bagitong kabayo mga 'yan, magagaling sila, (Karizma, Tiger Boy) pero may angking husay din ang kanilang makakalaban," sabi ni Tony Arevalo, veteran karerista.
Rerendahan ni jockey RJ Tabor si Karizma habang si AR Villegas ang papatong kay Tiger Boy, ang ibang kasali sa event na nakalaan ang added prize na P10,000 sa mananalo 3-year-old na kabayo ay sina Shine, Trust Saving, Todo Pong, Engineer Bigote at Signature Whiskey.
Pitong karera ang inihain ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ngayong araw kaya naman tiyak na masisiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.
Suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ang mga naka-lineup na karera na pakakawalan ngayong Huwebes.





Comments