Rally ng INC, dapat suportahan ng iba’t ibang sektor para sa mga sangkot sa flood control scam, mapanagot
- BULGAR

- 10 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 8, 2025

‘PEACEFUL RALLY FOR TRANSPARENCY’ NG INC, DAPAT SUPORTAHAN NG IBA’T IBANG SEKTOR PARA MAPANAGOT ANG MASTERMINDS SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Magsasagawa ang kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) ng tatlong araw na “Peaceful Rally for Transparency” mula Nobyembre 16-18, 2025 sa Rizal Park sa Manila.
Hindi masisisi ang INC na maglunsad ng ganitong protesta kasi nga noong October 7, 2025 ay kabilang ang religious group na ito na nanawagan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na isapubliko ang ginagawa nilang imbestigasyon sa flood control projects pero dinedma lang at hanggang ngayon wala pang ginagawang live telecast na hearing ang ICI.
Malinaw naman ang titulo ng protesta na ito ng INC na "Peaceful Rally for Transparency" na ibig sabihin isa itong mapayapang kilos-protesta, kaya’t sana suportahan din ito ng iba pang sektor ng lipunan para maobliga ang ICI na totohanin ang inanunsyo nilang isasapubliko na nila ang mga susunod nilang hearing para makatiyak ang publiko na walang hokus-pokus na magaganap sa imbestigasyon at mapapanagot ang mga arkitekto o mga mastermind sa naganap na flood control projects scam sa buong bansa, period!
XXX
SA PAG-ANUNSYO NG BIR NA MAGSASAGAWA SILA NG LIFESTYLE CHECK, ASAHAN NANG MAGPAPANGGAP NA SIMPLE LANG PAMUMUHAY NG MGA KURAKOT SA ‘PINAS -- Inanunsyo ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Comm. Romeo Lumagui, Jr. na magsasagawa sila ng lifestyle check sa mga senador at iba pang pulitiko.
Sa totoo lang, sablay ang pabidang statement na iyan ni Comm. Lumagui, ang dapat niyang ginawa ay pasikreto silang nagsagawa ng lifestyle check sa mga politician, pati sa pamilya ng mga pulitiko at saka nila isapubliko kung marangya ang mga ito, kung nagbubuhay hari, reyna, prinsipe at prinsesa ang mga ito.
Dahil isinapubliko ni Comm. Lumagui na magsasagawa sila ng lifestyle check ay asahan nang magpapanggap na simple ang pamumuhay ng mga kurakot na pulitiko, at ang kanilang mga pamilya, boom!
XXX
SANGKATUTAK ANG MGA GHOST PROJECT NA WALANG NAGTATRABAHO KAYA IBINIDA NG PSA NA KAUNTI NA LANG ANG JOBLESS SA ‘PINAS, ‘PANG-UUNGGOY’ SA PUBLIKO -- Ang inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang bilang ng mga jobless Pinoy sa bansa ay maituturing na "pang-uunggoy" lang sa publiko para palabasin na marami na ang nagkakaroon ng trabaho sa ilalim ng Marcos administration.
Sangkatutak kasi ang "ghost" projects ng gobyerno o mga proyektong "guni-guni" lang dahil walang mga nagtatrabaho, tapos ang pabida ng PSA marami na raw ang nagkakatrabaho kaya bumaba na ang bilang ng mga jobless Pinoy sa ‘Pinas, buset!
XXX
MARAMING PINOY NA ANG NAGSASABI NA NAGHIHIRAP AT NAGUGUTOM SILA SA ILALIM NG MARCOS ADMIN -- Magkasunod na naglabas ng bad news na survey ang Social Weather Stations (SWS). Una noong October 30, 2025 na 50% ng mga Pilipino ang nagsabi na patuloy silang nakakaranas ng kahirapan sa pamumuhay sa Pilipinas, at nitong nakalipas na November 5, 2025 sa panibagong survey ay 22% ng mga pamilyang Pinoy ang nagsabi na nakakaranas sila ng kagutuman sa panahon ng Marcos admin.
Ibig sabihin, sa magkasunod na survey na iyan ng SWS ay taliwas sa ibinibida ng PSA na kaunti na lang daw ang jobless sa ‘Pinas, dahil kung totoo iyang inanunsyo nila (PSA) dapat sana ay kaunti na lang ang dumadaing sa mga Pinoy na sila ay naghihirap at nagugutom, pero hindi, kasi nga sa survey ay marami ang nagsasabi na sila ay nakakaranas ng hirap at gutom sa panahon ng Marcos admin, period!








Comments