Raid sa mga planta, pinalagan... DND, dawit sa gulo sa industriya ng bakal
- BULGAR

- 20 hours ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | August 31, 2026

Photo: Sec. Gibo Teodoro - Department of National Defense
Umiigting ang sigalot sa industriya ng bakal sa bansa matapos kuwestiyunin ang umano’y paglahok ng isang inter-agency task force na pinangungunahan ng Department of National Defense (DND) sa ilalim ni Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr., sa mga operasyon laban sa ilang steel plants.
Nasa sentro ng usapin ang Philippine Iron and Steel Institute (PISI), na kinabibilangan ng SteelAsia, at ang Philippine Induction Smelting Industry Association (PISIA), na kumakatawan sa ilang kumpanyang gumagamit ng induction furnace sa paggawa ng bakal.
Noong 2018, hiniling ng PISI sa pamahalaan na ipagbawal ang paggamit ng induction furnace. Gayunman, pinahintulutan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang naturang proseso basta sumusunod ang mga produktong ginagawa rito sa Philippine National Standards (PNS).
Kamakailan, nagsagawa umano ng mga operasyon ang inter-agency task force ng DND, kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission, National Bureau of Investigation at Armed Forces of the Philippines, sa ilang plantang miyembro ng PISIA.
Kabilang dito ang Philippine Sanjia Steel Corporation sa Misamis Oriental, kung saan 69 dayuhang manggagawa ang inaresto at ipinasara ang planta. Kalaunan, iniutos ng Department of Justice ang pagpapalaya sa mga naaresto dahil sa kakulangan ng ebidensiya. Nanatili umanong sarado ang planta.
Kinukuwestiyon din ng PISIA camp ang paggamit umano ng radioactive materials bilang batayan sa ilang operasyon, kasabay ng pagbanggit sa naunang insidente ng zinc dust na may Caesium-137 na ibinalik ng Indonesia sa Pilipinas at iniugnayumano sa SteelAsia.
Dahil dito, may mga panawagang linawin ang papel ng DND at iba pang ahensiya sa mga operasyon at tiyaking pantay at naaayon sa batas ang mga regulasyon sa industriya.
Wala pang tugon mula sa DND, PISI o SteelAsia sa mga alegasyong inilatag sa ulat.





Comments