Radio Bell, nanatili ang tikas sa Metro Turf
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |November 8, 2022
Sulit ang pananaya ng mga karerista noong Linggo sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas dahil kahit natalo ay nakapanood sila ng magagandang laban.
Tulad ng panalo ni Radio Bell sa katatapos na 2022 PHILRACOM-PCSO 3-Year-Old Locally Bred Grand Derby, kung saan ay apat na kabayo ang nagtagisan ng biilis sa rektahan.
Humarurot sa unahan si Basheirrou at nakalamang ito ng apat na kabayong agwat sa nagmamasid sa kanya sa segundo na sina Radio Bell at Gomezian.
Pagdating ng far turn ay dinikitan ni Gomezian si Basheirrou pero nakasunod sa kanila ang anak nina Sakima at Radiaoactive Bell na si Radio Bell kaya naman sa huling kurbada ay nagkapanabayan na ang tatlo.
Bakbakan ang naganap sa rektahan nang kukuha na ng unahan si Radio Bell at maging si Don Julio ay rumemate sa bandang labas kaya hiyawan ang mga karerista sa loob ng karerahan.
Pero nanatili ang tikas ni Radio Bell at nakuha ang panalo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Inirehistro ni Radio Bell ang tiyempong 1:51.8 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ang premyong P1.8M ng winning horse owner na si Elmer De Leon ng Bell Racing Stable.
Dumating na segundo si Don Julio na nagbulsa ng P675,000 habang tig-P375,000 at P150,000 sina Gomezian at Basheirrou na dumating na tersero at pang-apat ayon sa pagkakasunod.
Samantala, 12 karera ang inorganisa ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya masayang nangarera ang mga karerista.





Comments