Radio Bell, nagpasiklab
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | December 21, 2021
Ipinakita ni Radio Bell ang lakas ng kanyang kalembang matapos manalo sa 2021 PHILRACOM 2-Year-Old "Juvenile Championship"noong Linggo sa pista ng San Lazaro sa Carmona, Cavite.
Sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jonathan Hernandez, pumuwesto muna sa tersero sa largahan si Radio Bell para pagmasdan ang mga nasa unahan na sina Victoriousprincess at Enigma Uno.
Subalit agad na pinagalaw ni Hernandez si Radio Bell, kumuha ito ng unahan kahit nasa backstretch pa lang ang laban. "Alam mong mananalo kasi malayo pa karera ay umagaw na agad ng bandera," saad ni veteran karerista, Johnny Remedios,"Hindi man lang nakaporma mga nakalaban."
Sinundan naman ni Enigma Uno si Radio Bell nang kumuha ng unahan ang winning horse, pero kinapos din ito.
Hindi nagpatinag sa unahan si Radio Bel kahit bumuliglig ng todo si Enigma Uno.
Sa home turn ay umalagwa nang tuluyan sa unahan si Radio Bell, diretso sa meta at nanalo ng may pitong kabayo ang agwat sa nasegundong si Enigma Uno.
Inirehistro ni Radio Bell ang 1:41.4 minuto sa 1,600 meter race upang siluhin ng horse owner na si Elmer De Leon ng Bell Racing Stable ang premyong P1.2M sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nasikwat ni Enigma Uno ang P450,000 habang napunta ang P250,000 at P100,000 sa third at fourth placers na sina Rap Bell at Victoriousprincess ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nagwagi si Tiger Boy sa PHILRACOM PRHTAI - Esguerra Farm Trophy Race na inilarga sa pangalawang karera.
Ginabayan ni AR Villegas, inilista ni Tiger Boy ang tiyempong 1:30 minuto sa 1,400 meter race upang ibulsa ng horse owner na si BS Abalos ang cash prize na nakalaan sa nasabing karera.





Comments