top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Radio Bell kakalembang sa Philracom 2yo Juvenile

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 19, 2021
  • 2 min read

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | December 19, 2021



Siguradong masisiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang dahil makakapanood ulit sila ng magagandang labanan sa pista.


Tampok ngayong araw ng Linggo ang bakbakan ng limang batang kabayo sa magaganap na 2021 PHILRACOM 2-Year-Old Juvenile Championship na ilalarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite. Nakatutok ang mga liyamadista kay Radio Bell na inaasahang liyamado sa laban pag-arangkada ng nasabing karera sa race 4.


May distansyang 1,400 meter race, rerendahan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey-of-the-Year awardee Jonathan Hernandez si Radio Bell na lahi nina Sakima at Radioactive Love.


Ayon sa mga ibang karerista, posibleng magbigay ng matinding hamon kay Radio Bell sina Victoriousprincess at Enigma Uno, sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon. "Mahuhusay ang mga kasali, malaki ang premyo kaya tiyak na naghanda ng todo ang mga trainer at jockey," saad ni Paulino Imperial, karerista.


Nakalaan ang guaranteed prize na P2M, ang ibang kalahok sa nasabing karera ay sina Lord Luis at Rap Bell. Puntirya ng limang tigasing kalahok na masungkit ang P1.2M na premyo para sa unang kabayong tatawid sa meta. Mapupunta ang P450,000 sa second placer.


Kukubrahin ng third at fourth placers ang P250,000 at P100,000 ayon sa pagkakasunod habang P100,000 ang ibubulsa ng breeder ng winning horse.


Inihanda ni Trainer Donato Sordan, si Radio Bell na nasa Bell Racing Stable na pag-aari ni Elmer De Leon.


Kinalawit ni Radio Bell ang korona sa 2021 PHILRACOM 2nd Leg Juvenile Stakes race noong Nobyembre at PHILTOBO Juvenile Championship noong Dis. 5.


Maliban sa stakes races, inaabangan din ng mga karerista ang mga carry over sa Pick 6, Super Six at Pentafecta. May carry over na P253,193.34 sa Pick 6 na magsisimula sa Race 2, habang P12,277.13 at P10,168.44 ang sa Super Six at Pentafecta ayon sa pagkakasunod, ilalarga ito sa unang karera.


Samantala, 11 karera ang inilaan ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) kaya maghapon na magsasaya ang mga karerista.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page