top of page
Search
  • BULGAR

QC Wilcon, nagkampeon sa Chooks 3x3 Quest 3.0

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 21, 2023



Umangat ang Quezon City Wilcon bilang kampeon ng Chooks-To-Go Pilipinas 3x3 Quest 3.0 matapos manaig sa Pasig Banh Mi Kitchen, 19-15, Sabado ng gabi sa Solenad sa Santa Rosa City. Maliban sa P100,000, nakamit din ng koponan ang mahalagang tiket para sa FIBA3x3 World Tour Cebu Masters ngayong Setyembre 23 at 24 sa Seaside City.

Tinuldukan ni QC 6’7” import Jose Blazquez ng Espanya ang kanyang araw sa pagbagsak ng 9 na puntos. Kumuha siya ng tulong mula kay TH Tumalip na may pito at Yutien Andrada na may tatlo habang hindi pumuntos si Keith Datu.


Patungo sa korona, ginulat ng QC ang Makati MNL Kingpin sa semifinals, 22-20, salamat sa malayong 2-points ni Datu na may 2:07 nalalabi. Sa ibang laban, ginulat ng Pasig ang paboritong Manila Chooks, 21-14, matapos bumangon mula sa 5-13 butas.


Samantala, hindi pinalad na makapasok ang Pasig TNT Triple GIGA matapos magpaalam ng maaga sa kasabay na Quebec Challenger sa Canada na qualifier din para sa Cebu.


Masakit ang resulta dahil ang mga Pinoy ang nag-iisang naalis matapos magtabla sa 1-1 panalo-talo sa Grupo C kasama ang Riga ng Latvia at Wuxi ng Tsina.


Maganda ang simula ng TNT at ginulat ang paboritong Riga, 21-20, sa two-points ni Gryann Mendoza na may 43 segundo sa orasan. Si Mendoza ang gumawa ng huling 11 puntos ng koponan at nagtapos na may 12 at sinundan nina Almond Vosotros na may anim, Christopher Exciminiano na may dalawa at isa mula kay import Raoul Odou ng Benin at Saint Francis of Assisi College sa Las Pinas.

Ang tatlong mangunguna sa Quebec ay tutuloy sa Cebu. Naghihintay sa kanila ang Ub Huishan NE ng Serbia, Vienna ng Austria, Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia, Miami ng Estados Unidos, Paris ng Pransiya, Taichung ng Chinese-Taipei, Quezon City at Wuxi habang may tatlo pang upuan na pupunuin ng mga koponan mula New Zealand, Mongolia at Pilipinas.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page