ni Ryan Sison @Boses | July 19, 2024
Kasunod ng mga pagbatikos hinggil sa nag-viral na wheelchair ramp, na hirap na magamit dahil sa sobrang tarik, magpapakalat ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng kanilang mga tauhan na tutulong sa mga may kapansanan na makaakyat sa rampa ng EDSA Busway lalo na sa Philam station.
Batay sa statement ng MMDA, magtatalaga sila ng mga kawani para umasiste sa mga person with disability (PWD) kung mahihirapan ang mga itong pumanhik ng rampa.
Binigyang-diin naman ng kagawaran na kumpara sa nag-viral na photo, hindi ito masyadong matarik kung lalakaran.
Paliwanag ng MMDA, inilagay ang rampa dahil sa limitadong espasyo at kung wala ito ay hindi mailalagay ang elevator sa istruktura para sa kaginhawaan ng mga komyuter na sumasakay sa busway station.
Gayundin anila, mayroong height restriction sa Metro Rail Transit (MRT) na sinunod ang kagawaran kaya hindi naging posible na ipantay ang elevator sa footbridge at ganoon na lamang kataas nito.
Aminado naman ang MMDA na hindi ito perpektong disenyo lalo na sa mga naka-wheelchair pero malaking tulong pa rin naman para sa mga senior citizen, buntis at ibang PWDs sa halip na umakyat gamit ang hagdan.
Tama lamang na mag-deploy ng mga personnel ng kagawaran sa mga rampa na mahirap talagang akyatin para matulungan ang ating mga kababayang PWDs at lolo’t lola.
Ito muna kasi ang puwedeng solusyon sa problema habang hinihintay nating matapos ang mga elevator na siyang magdadala sa lahat ng komyuter na sasakay sa EDSA Busway.
Gayunman, kailangan din sigurong pag-isipang ayusin na mas maging safe ang nasabing ramp dahil maaaring magdulot ito ng aksidente ng hindi natin namamalayan lalo na kung umuulan.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sana sa mga proyektong sinisimulan ay pag-aralan munang maigi at alamin ang mga pros and cons para hindi naman masayang ang pondong gagamitin para rito. Gayundin, laging isipin na anumang programa ang isasagawa ay talaga magiging malaking pakinabang sa mga mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios