Puwede na mamasyal kaya iwas-stress... Good sa mental Health ang Alert Level 2
- BULGAR
- Nov 7, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 7 2021
Ngayong ibinaba sa Alert Level 2 ang Kamaynilaan, inaasahan nating sisigla muli ang ating ekonomiya dahil mas marami nang aktibidad ang pinapayagan.
Darami na rin ang puwedeng magtrabaho dahil madaragdagan na ang kapasidad ng mga restaurant, puwede na magbukas ang mga amusement park at iba pang recreational venues, pati na ang mga gym at fitness studios.
Ito ay dahil na rin sa bumababang bilang ng kaso ng COVID-19 na naitala nitong mga nakaraang linggo.
Ngunit tulad ng palagi nating paalala, huwag tayong maging kampante dahil hindi pa nating tuluyang nasusugpo ang COVID-19. Patuloy tayong sumunod sa health and safety protocols at magpabakuna kung puwede na.
☻☻☻
Kasabay ng pagsigla ng ekonomiya at dumaraming aktibidad na puwedeng gawin ay inaasahan nating maiibsan ang stress, anxiety o pagkabalisa na nararamdaman ng ating ilang kababayan.
Maaari na kasing makapamasyal ang mga pamilya, kasama ang mga anak, sa ilang pinayagang aktibidad at lugar tulad ng mga parke.
Nakababahala rin kasi ang epekto ng isolation at confinement, lalo na sa mental health ng ating mga anak, na posibleng hindi pa naiiintindihan kung bakit kailangang limitahan ang movement at activities ng mga tao ngayong pandemya.
Tumaas din ng 57 percent ang bilang ng suicide cases sa bansa noong 2020, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
☻☻☻
Minsan na rin tayong naglaan ng espasyo upang talakayin ang isyu ng mental at emotional health, lalo ngayong pandemya.
Kung tayo o isa sa mga mahal sa buhay natin ang makaranas o makaramdam ng anxiety o iba pang mental health issues, alalahanin nating may mga taong handang makinig at dumamay sa inyo.
Sana ay huwag ninyong pasanin mag-isa ang nararamdaman ninyo; hindi kayo nag-iisa.
Maaaring matawagan ang National Center for Mental Health (NCMH) crisis hotline sa 0917-899-USAP (8727); (02) 7-989-USAP; o 1553 (landline-landline, toll-free).
Maaaring makatulong din ang pagdarasal at madalas na bonding moments sa ating pamilya upang mapanatili ang ating mental health sa mga panahong ito.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments