Puwede bang pitasin ang prutas mula sa puno ng kapitbahay na nakalaylay sa bakuran?
- BULGAR
- Jun 17, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 17, 2023
Dear Chief Acosta,
Ang aming kapitbahay ay may mga puno ng saging at mangga. Kung ang mga sanga nito ay umabot sa aming bakuran, maaari na ba naming angkinin at pitasin ang mga bungang saging at mangga? - Bekya
Dear Bekya,
Para sa iyong kaalaman, ang mga nauugnay na probisyon ng ating New Civil Code sa iyong katanungan ay ang mga sumusunod:
“Article 680. If the branches of any tree should extend over a neighboring estate, tenement, garden or yard, the owner of the latter shall have the right to demand that they be cut off insofar as they may spread over his property, and, if it be the roots of a neighboring tree which should penetrate into the land of another, the latter may cut them off himself within his property.
Article 681. Fruits naturally falling upon adjacent land belong to the owner of said land.”
Alinsunod sa batas, ang mga bunga na natural na nalaglag mula sa puno ay pag-aari na ng may-ari ng lupain kung saan ang mga ito ay nalaglag. Gayunman, kung ang mga bunga ay nakasabit pa rin sa puno, ito ay pagmamay-ari pa rin ng may-ari ng puno.
Sa gayon, hindi mo maaaring angkinin at pitasin ang mga saging at mangga ng iyong kapitbahay. Ang iyong karapatan lamang ay hingin sa iyong kapitbahay na putulin ang mga sangang umaabot sa iyong ari-arian.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.








Comments