Puwede bang kwestyunin ng lola kung lehitimo ang bata?
- BULGAR
- Apr 26, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 26, 2022
Dear Chief Acosta,
Ang aking anak ay may asawa at kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa. Ilang taon na siyang hindi nakauuwi sa Pilipinas dahil sa kanyang trabaho. Laking gulat ko nang malaman na nanganak ang kanyang asawa. Hinala ko na hindi niya tunay na anak ang sanggol. Bilang magulang ng aking anak, maaari ko bang kwestyunin ngayon ang pagiging lehitimo ng sanggol?
Aida
Dear Aida,
Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa desisyon sa kasong Eugenio San Juan Geronimo vs. Karen Santos (G.R. No. 197099; September 28, 2015), na isinulat ni Honorable Former Associate Justice Martin Villarama, Jr. ng Kagalang-galang na Korte Suprema, kung saan nakasaad na ang asawang lalaki lamang ang maaaring kumuwestyon sa pagiging lehitimo ng isang anak na ipinanganak ng kanyang asawa:
“Only the husband can contest the legitimacy of a child born to his wife. He is the one directly confronted with the scandal and ridicule which the infidelity of his wife produces; and he should decide whether to conceal that infidelity or expose it, in view of the moral and economic interest involved. It is only in exceptional cases that his heirs are allowed to contest such legitimacy. Outside these cases, none – even his heirs – can impugn legitimacy, that would amount to an insult to his memory.” (Binigyang-diin)
Kaugnay nito, nakasaad sa Article 171 ng Family Code of the Philippines kung kailan ang mga tagapagmana ng asawang lalaki ang maaaring kumuwestyon sa pagiging lehitimo ng kanyang anak:
“ARTICLE 171. The heirs of the husband may impugn the filiation of the child within the period prescribed in the preceding article only in the following cases:
(1) If the husband should died before the expiration of the period fixed for bringing his action;
(2) If he should die after the filing of the complaint without having desisted therefrom; or
(3) If the child was born after the death of the husband.”
Batay sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema at probisyon ng batas, sa ngayon ay hindi n'yo maaaring kwestyunin ang pagiging lehitimo ng anak ng inyong manugang dahil buhay pa ang inyong anak kaya siya lamang ang maaaring kumuwestyon dito dahil kakaharapin niya ang eskandalo at pangungutya na dulot ng pagtataksil umano ng kanyang asawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Comentarios