Puting parol at P500 Noche Buena: Ang mga simbolo ng pag-asa at pagdududa
- BULGAR

- Dec 13, 2025
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 13, 2025

Iba na ang simoy ng hangin, malamig-lamig na naman muli ang paligid. May kakaibang epekto ang lamig sa katawan, isip, puso at diwa. Ito ang dahilan kung bakit maraming nais pumunta ng Baguio at kung hindi man, puwede na rin ang Tagaytay o ang nauusong “Bagong Tagaytay” sa bandang Sampaloc, Tanay. Bagamat sanay ang lahat sa atin sa init ng kapaligiran o sa sobrang tubig sa panahon ng tag-ulan, iba rin ang panahon ng taglamig, ngayong Adbiyento patungong Pasko. Parang nireregaluhan tayong lahat ng kaunting ginhawa at kung anu-ano pang tumatanggal o bumabawas sa hirap, bigat at hamon ng buhay.
Kaya ngayong buwan ng Disyembre, dumadating ang 13th Month pay, at kung kaya ng kumpanya, maaari ring magbigay ng Christmas bonus. Malaking ginhawa ang mga ito sa maraming hirap nang pagkasyahin ang maliit na sahod para tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Noong isang araw, may lumabas ng pahayag mula sa Malacañang. Sabi ng Pangulo, “Nais kong maging “priority” ang sumusunod: Anti-Dynasty Law; isabatas ang Independent Commission on Infrastructure (ICI); Baguhin ang Partylist Law; at ang Citizen Access and Disclosure of Expenditure for National Accountability (CADENA) Act.”
Maraming nagulat, maraming natuwa, at maraming nakaramdam ng kakaiba. May pag-asa na kayang magbago ang lahat sa ating bansa? Siyempre, iba-iba ang damdamin ng lahat. Ang mga kontra sa Pangulo ay sampu ng kanyang kapatid at ang mga kaalyado nito ay hindi umaasang merong mangyayari.
Tiyak na sasabihin nila na palabas lang o pa-impress propaganda lang ito. Ganundin ang sinasabi ng marami sa pangako ng Pangulo na merong makakasuhan at makukulong (sa mga kurakot) bago mag-Pasko. Ngunit, maraming nangangahas na magsabing, “Sana, sana, sana, sana naman!”
Panaginip, pangarap para sa isang bagong bansa ang tumulak sa marami na lumabas at magpahayag noong mga nakaraang buwan: Enero, Pebrero, Setyembre at Nobyembre. Malaki ang mga grupo sa Luneta at EDSA. Nakapanghihinayang lang ng na nagkaroon ng dalawa sa halip na iisang rally. At nagtataka lang tayo kung bakit pagkatapos ng rally noong Nobyembre 30 ay parang unti-unting tumahimik ang lahat.
At ito na nga ang kinatatakot ko, Disyembre na kasi. At dahil Disyembre na, matutuon na ang lahat sa Noche Buena at sa pambili sana ng Noche Buena na sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) ay mabibili sa halagang P500.00. Ha-ha-ha!
Napakaraming natawa, nainis at nagalit pa. Sa halaga bang P500 makabibili ka na ng hamon, keso de bola, mga sangkap ng spaghetti, ubas, mansanas at kung anu-ano pang prutas na bilog? At dahil sa panglalait na tinanggap ng DTI, nagpaliwanag ito na, “Oo puwedeng pagkasyahin ang P500 para sa pamilya ng apat lang.” Katawa-tawa ba, nakakalungkot o baka nakakagalit? Ganun na lang ba ang tingin ng pamahalaan sa mga
maliliit na mamamayan nila?
Nakagagalit talaga ‘di ba? Balikan natin ang tanong, bakit biglang lumamig at tumigil ang lahat pagkaraan ng malaking rally noong Nobyembre 30?
Habang tinatanong natin ito, bumalik ang ating alaala sa sinimulang “white ribbon campaign” ng Trillion People March. Tumigil na rin ang pagtatali ng mga “white ribbon” kung saan-saan.
Medyo hindi mo na naririnig ang mga sumisigaw ng “Ikulong na ‘yan mga kurakot! Ikulong na yan mga kurakot!” Ito na naman ba ang kinatatakutan nating “Ningas cogon mentality” ng marami? O baka napagod lang at pumasok na ang lamig ng Disyembre at ang diwa ng Adbiyento at Pasko? Nakatulugan natin ang tanong na ito noong nakaraang Miyerkules.
Ngunit sa paggising natin, biglang nakita ng mga mata ng ating isip at puso ang “puting parol.” Dali-dali tayong naghanap ng malaking puting parol. Tumakbo ang isang volunteer sa Dapitan, naubos na ang mga puting parol. Nagpunta ang isang volunteer sa Central Market at doon nakakita at nakabili ng isang malaking puting parol. Sa paggising naman natin noong nakaraang Biyernes ng umaga, sumagi naman sa aking isip ang isang tanong, “Paano kung walang pambili at walang oras bumili sa Central Market ng puting parol? Ah, puwedeng gumupit na lang ng mga tala mula sa gamit nang mga puting piraso ng papel.” Puwedeng maging gawain ng buong pamilya, na sama-samang gumupit ng puting tala na ididikit nila sa buong tahanan labas at loob. At maaari ring gumupit sila ng maraming tala at dalhin ito sa mga simbahan sa unang araw ng Simbang gabi at pabasbasan ang kanilang mga puting tala sa pari. Maaari ring ialay sa misa ang kani-kanilang puting tala.
Inilunsad natin sa EDSA Shrine ang ‘Puting Parol, Ilaw ng Pag-asa’ noong nakaraang Biyernes ng Hapon.
Harinawa’y makatulong ang paggawa at pagsabit ng mga ginunting na puting tala sa bawat tahanan o ang mga puting parol sa pagpukaw ng walang kamatayang damdamin at saloobin ng pag-asa sa Diyos ng Buhay, pag-asa at kaligtasan.
Sana, magbago na ang ating bansa. Pumikit po tayo, magdasal at maniwalang nagbabago na nga, ngunit kailangan nating humingi ng biyaya at makipagtulungan sa Kanya at sa isa’t-isa para ang ‘sana’ ay maging ‘Nangyayari na!’








Comments