Puso at konsensiya sa pagsaklolo sa nasalanta, pairalin!

ni Ryan Sison - @Boses | November 14, 2020
Tulong mula sa ibang local government units (LGUs).
Ito apela ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa LGUs sa National Capital Region (NCR) upang tulungan ang mga lungsod tulad ng Marikina, na matinding sinalanta ng Bagyong Ulysses tulad ng Marikina.
Una na umanong tumulong ang ahensiya sa isinagawang rescue operation sa mga residente na na-stranded sa kani-kanilang tahanan sa nasabing lugar. Nasa halos 700 MMDA personnel na umano ang ipinakalat sa buong Metro Manila para umalalay sa mga gagawing operasyon para sa mga naapektuhan ng naturang bagyo.
Matatandaang nagdulot ng matinding pagbaha sa maraming lugar sa Kalakhang Maynila at kalapit na lalawigan ang malakas na pag-ulan dulot ng bagyo.
Bagama’t unti-unti nang bumubuti ang panahon, hindi pa rin maitatago ang bakas ng hagupit ni “Ulysses” sa mga lugar na labis na naapektuhan.
Ang mga residenteng na-stranded sa bahay, natengga sa evacuation center, at nawalan ng tirahan, no choice kundi maghintay ng tulog mula sa lokal na pamahalaan.
Pero paano kung hindi na rin kayang tugunan ng LGUs ang kanilang pangangailangan?
‘Ika nga, lahat tayo ay apektado at nakaranas ng hagupit ng bagyo, pero hangga’t may kaya tayong gawin para sa ating kapwa, gawin na.
Panawagan naman sa nasyonal na pamahalaan, galaw-galaw ho para sa bayan. Sunud-sunod na bagyo ang nanalasa sa bansa, kaya sana naman ay iparamdam nating katuwang tayo sa hamon na ito. Pairalin pa rin ang puso at konsensiya sa oras ng pangngailangan. Isantabi ang mga away-pulitika at personal na opinyon para mas makatulong.
Sa ngayon, magtulung-tulong muna tayo kahit sa maliit na paraan. Sabi nga, walang maliit na tulong kung mula ito sa puso.
Tayo-tayo pa rin ang magtutulungan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments