Pumalag sa nagkakalat… ANNABELLE, NAGBEBENTA RAW NG FAKE, NAGHAMON
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Julie Bonifacio @Winner | April 9, 2026

Photo: Anabelle Rama - IG
Pumalag na si Annabelle Rama sa nag-aakusa na nagbebenta siya ng fake jewelries.
May video na ini-upload sa Facebook (FB) page ng nagbebenta ng luxury bags kung saan kumukuda si Annabelle sa nag-aakusang peke ang ibinebenta niyang mga alahas. Nagbanta pa nga si Annabelle sa nagsabing fake ang ibinebenta niya.
Makikita si Annabelle na may kausap na miyembro ng LGBTQIA+ community na taga-Davao. Pinuri niya ang kausap na gay bilang isang Davaoeño.
Sey ni Annabelle, “‘Pag taga-Davao, ‘di tsismosa at ‘di marunong manira. Nagbenta raw ako ng fake. Ipakita mo nga ang resibo sa akin kung fake ang binili mo sa akin after three years.
“Ginamit mo ng three years, tapos isasauli mo. (Sasabihing) Fake. Isauli mo sa akin ngayon din.”
Sino kaya ang tinutukoy ni Annabelle?
May kaugnayan kaya ito sa isang babae sa socmed (social media) na galit na galit sa nanay nina Ruffa, Richard at Raymond Gutierrez at nagsabing may utang siya kay Jinkee Pacquiao na P3 million?
KAHANGA-HANGA ang bagong artist na si Neeyong.
Walang takot niyang ibinulgar sa publiko ang bangungot na naranasan niya sa paggamit ng ilegal na droga.
Positibo niyang inilahad ang kanyang karanasan sa ilegal na droga sa pamamagitan ng kanyang mga awitin.
Inilunsad si Neeyong at ang kanyang bagong album titled Personal Inventory (PI) kung saan lahat ng awiting nakapaloob dito ay sarili niyang likha at batay sa kanyang personal na karanasan.
Ayon sa kanyang ama at manager na si Ambet Nabus, “Ang unang-unang single na inilabas n’ya, ‘yung Agos ng Tugtog way back in 2023. Bongga pa kami kasi pumunta kami sa Amerika at Canada, nag-VTR-VTR pa kami doon. Pero pagbalik po nu’ng bata, nakasinghot lang ng kakaibang hangin sa New York at sa Canada, pagdating dito, nag-level-up.”
Nais ni Neeyong na hindi lang makapagbigay ng magandang awitin sa music industry, kundi gamitin din niya bilang adbokasiya ang pagkontra sa paggamit ng illegal drugs, na masasalamin sa kanyang mga komposisyon.
Personal naming inusisa si Neeyong kung bakit bukas siya sa paglantad ng karanasan niya sa droga.
“Wala po akong balak itago,” mabilis na tugon ni Neeyong.
Aniya, “Para ma-inspire rin po ‘yung ibang tao na dumadaan sa pinagdaanan ko.
“Actually, nag-usap nga po kami dati ni Daddy doon, ‘Ilalabas ba natin o hindi?’
“Sabi ko sa kanya, ‘Gusto kong ilabas at gusto kong maibahagi sa mga tao.’”
Kabilang sa mga kanta niya na naglalahad ng kanyang adbokasiya kontra droga ay ang Programa, Neon, Recuperation, at Yellow Corner.
Pahayag ni Neeyong, “Ang una pong track sa EP ko, ‘yung Programa. Pasasalamat lang po ito kay Daddy (Ambet) at sa buhay na ibinigay n’ya sa akin.
“Next is Recuperation, which is, kumbaga, healing point ko na, turning point ng buhay ko.
“Next is Neon. Ipinakita ko lang ang halaga ko at kung paano ko nakita ang value ko sa loob ng rehabilitation center.
“Next is 921, which carries the theme ng buong EP. About naman po ito sa lahat ng mga korupsiyon at maling ginagawa sa government, ‘yung pananaw ko po.
“Tapos ‘yung Yellow Corner, ito po ang story ko mula December 4 hanggang December 5 bago ako makapasok sa loob ng rehabilitation center.”
Pinakamalapit sa kanyang puso ang Neon at Programa.
“Kasi ru’n ko na-express sa mga tao kung paano ko nakita ang halaga ko at kung paano ako tinulungan at sinuportahan ng pamilya ko.”
Mapapakinggan ang buong Extended Play (EP) ni Neeyong under Star Pop sa Spotify at iba pang streaming platforms.




Comments