Pumalag sa discrimination sa Pinoy… RURU, BINASTOS NG WAITER SA RESTO SA SPAIN

ni Beth Gelena @Bulgary | November 5, 2026

Photo: IG _rurumadrid8
May mahalagang paalala si Ruru Madrid sa mga kapwa Pilipino matapos ang hindi magandang karanasan niya sa Spain, kung saan sila nag-shooting para sa Los Salvajes Bravos film.
Sa kanyang social media post na may caption na A Friendly Note About My Experience in Spain, ibinahagi ng aktor ang naging karanasan niya sa isang restaurant sa Madrid, kung saan naramdaman niyang hindi pantay ang pagtrato sa mga customers.
Kuwento ng aktor, “Kumakain ako sa isang restaurant. Habang kumakain ako ru’n, nag-order ako ng steak. Kasi nag-search ako, ano ba ‘yung pinakamasarap na restaurant dito? Gusto kong ma-experience. Mag-isa ako ru’n. Nakapag-ipon ako ng pera para meron akong pambili ru’n. So naghanap ako ng medyo mahal at masarap na steak.
“Pagdating ko po ru’n, nag-order ako. Steak at fries. Nu’ng isinerve sa ‘kin ‘yung pagkain, ibinato sa harapan ko. So, nu’ng naramdaman ko ‘yun, siguro kung ‘yung dating version ng Ruru, papalampasin ko na lang ‘yun, eh. Kasi matatakot ako na wala ako sa bansa natin. Na baka kung ano ang gawin sa ‘kin.
“Eh, ang laki (Spaniard)! So pagbato n’ya (ng plato), may mag-asawa dito na French, napatingin sila sa ‘kin. Tapos, parang ako, nu’ng tumingin sila sa ‘kin, du’n ko naramdaman na ‘di ko dapat hayaang ganu’nin ako. Kasi pagbato n’ya, tinalikuran ako, eh! So, wala na akong nagawa.”
Hindi naman daw siya gumawa ng eksena. Sa halip, maayos niyang ipinaabot sa manager ang kanyang concern tungkol sa serbisyong natanggap.
Lumapit naman daw ang manager upang humingi ng paumanhin at nagkausap sila nang maayos.
Sa kabila nito, naging dahilan ang karanasan upang mapaisip si Ruru tungkol sa kahalagahan ng pantay na pagtrato sa lahat, anuman ang lahi o pinagmulan.
Paalala pa niya sa mga kapwa Pilipino, mahalagang panatilihin ang respeto at pag-unawa sa pakikitungo sa ibang tao, pero hindi rin dapat matakot na ipahayag nang maayos ang sarili kapag nakararanas ng hindi magandang pagtrato.
After 41 yrs…
TOTOONG IKINAMATAY NI JULIE VEGA, IBINULGAR NA NG UTOL
Matagal nang kuwestiyonable ang maagang pagpanaw ng teen star na si Julie Vega, pero walang makapagsabi kung ano talaga ang dahilan nito.
Ang sabi ay dahil sa sakit, pero may lumalabas ding ibang ikinamatay umano ng dating teen star.
Pumanaw si Julie Vega noong May 6, 1985 sa edad na 16, ilang araw bago ang kanyang ika-17 kaarawan noong May 21.
Namatay siya sa Lung Center of the Philippines sa Quezon City. Iniulat itong cardiac arrest na may kaugnayan sa kanyang Guillain-Barré syndrome (GBS) o isang demyelinating disease at bronchopneumonia.
Forty-one years na ang nakalipas, pero si Julie ay nananatili pa ring isa sa mga hindi malilimutang child stars ng Philippine showbiz. Sila ang mahigpit na magkalaban noon ni Janice de Belen.
Kamakailan, nainterbyu ni Jessica Soho ang kapatid ni Julie Vega na si Joseph, na nagbahagi ng ilang kuwento tungkol sa aktres, kabilang ang naging karanasan nito na may kaugnayan sa huling pelikulang ginawa niya.
Marami noon ang lumalapit sa pamilya para makuhanan ng pahayag tungkol sa tunay na dahilan ng maagang pagpanaw ng aktres. May mga kuwento kasing nag-uugnay sa yumaong teen star sa mga supernatural na pangyayari.
Ani Joseph sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), ang pagpanaw ng kapatid ay dahil sa sakit. Tinanggihan ng kanilang pamilya ang mga nakaraang kahilingan sa panayam dahil madalas itong nakatuon sa mga umano’y paranormal na insidente.
Bagama’t tinanggihan niya ang mga paliwanag na iyon, kinilala ni Joseph ang isang napaulat na tawag sa telepono na hindi niya maipaliwanag.
Ayon kay Joseph, may personal siyang paniniwala na maaaring gustong makausap ni Julie ang kanilang ina tungkol sa sakit nito. Gayunman, nilinaw niyang hindi niya itinuturing na patunay ang naturang pangyayari na may kinalaman ang lugar na pinagsyutingan sa pagkakasakit o pagkamatay ng kanyang kapatid.
“Pero kung may spin na may mamaw du’n para tumawag sa bahay, I don’t think so. Not necessarily may kinalaman du’n sa pinag-shooting-an nila,” paliwanag niya.
Aminado rin si Joseph na hindi niya kayang ipaliwanag ang lahat ng nangyari.
Bukod sa pagbabahagi ng kuwento tungkol kay Julie, ipinakita rin niya ang ilan sa mga personal na gamit ng aktres na maingat niyang iniingatan sa kanyang opisina sa Quezon City.
Kabilang dito ang mga Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) awards ni Julie, mga litrato, photo album at Hello Kitty telephone nito.
Nariyan din ang tinatawag na ‘magic dress’ na isinuot ng aktres sa pelikulang Mga Mata ni Angelita, na nagpapaalala sa kanyang makulay na karera bilang batang artista.
Sa kabila ng paglipas ng maraming taon, buhay na buhay pa rin sa mga alaala ng pamilya ang mga iniwang gamit at kontribusyon ni Julie sa industriya ng pelikula at telebisyon.





Comments