Pulis nagmaoy, nanutok ng baril, tinuluyan

by Jeff Tumbado @News | October 29, 2026

Photo: Si Police Staff Sergeant Ryne Rene R. Balisi nang iniharap kay Comm. Atty. Ralph Calinisan - NAPOLCOM
Itutuloy ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang kasong administratibo laban kay Police Staff Sergeant Ryne Rene R. Balisi ng Pasig City Police na maaaring humantong sa pagkakasibak nito sa serbisyo matapos umanong magwala at manutok ng baril habang lasing sa isang gasolinahan sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City, noong Oktubre 25.
Iniharap ni NAPOLCOM Commissioner Atty. Ralph Calinisan si Balisi sa isang press briefing sa Quezon City nitong Oktubre 28.
Naihain na ang pormal na reklamo laban sa pulis na nahaharap sa mga kasong Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Nakunan sa video si Balisi na pasuray-suray habang hawak ang kaniyang service firearm na umano'y itinutok sa isang sasakyang nagpapakarga ng gasolina.
Hindi naka-duty ang pulis nang mangyari ang insidente. Naaresto siya matapos rumesponde ang mga awtoridad.
Bagama't nakapagpiyansa na, nananatili si Balisi sa mahigpit na kustodiya ng Eastern Police District (EPD) habang nagpapatuloy ang kasong administratibo.





Comments