top of page
RUN WILD - BARBIE, NAPABILIB SI ALDEN SA PAGIGING WILD-IG _barbaraforteza.jpg
Search

ni Mylene Alfonso @News | May 8, 2026



Coliseo De Manila - FB

Photo: File / Coliseo De Manila - FB



Umalma ang Coliseo de Manila matapos ibasura ng National Police Commission (Napolcom) ang reklamo nito laban sa mga tauhan ng CIDG na sumalakay sa kanilang cockpit arena sa Vitas, Tondo, Maynila. 


Ayon sa pamunuan ng sabungan, walang warrant ang operasyon at inabuso umano ng mga pulis ang kanilang kapangyarihan sa isinagawang raid at pagpapasara sa kanilang negosyo nang mahigit 20 araw. 


Iginiit din ng kampo ng sabungan na dalawang beses nang tinanggihan ng Regional Trial Court ng Makati ang aplikasyon ng CIDG para sa cyber warrant na ginamit umano sa operasyon. 


Sa kabila nito, mabilis umanong ibinasura ng Napolcom ang reklamo sa loob lamang ng 16 araw dahil umano sa kakulangan ng probable cause. 


Ayon kay Atty. Carl Jon P. Mucho, kulang sa paliwanag ang resolusyon ng Napolcom at hindi nito nasunod ang requirements ng umiiral na rules sa pagresolba ng administrative cases laban sa mga pulis. 


Kinuwestiyon din ang pahayag ni PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño na kumuha lamang ng bet ticket bilang ebidensya ang isang pulis at hindi pera mula sa teller. Ayon sa Coliseo de Manila, taliwas dito ang CCTV footage dahil makikita umanong nagbulsa ng pera ang isang pulis habang isinasagawa ang raid. 


Nanindigan ang Coliseo de Manila na itutuloy nila ang mga legal na hakbang laban sa mga sangkot na pulis at sa naging desisyon ng Napolcom.

 
 

ni Jeff Tumbado @News | April 9, 2026





Personal na naghain ng pormal na reklamo sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang isang babaeng pulis laban sa isang hepe ng Batangas Police.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, inakusahan ng babaeng pulis si Police Colonel Marlon Ventura Rufo, ang Police Provincial Director ng Batangas, ng kasong grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.


Ayon sa reklamo, naganap umano ang mga insidente mula Pebrero hanggang Marso 2026, kung saan sinasabing nakaranas ang complainant ng hindi kanais-nais na pisikal na paghipo, hindi angkop na mga pahayag, at iba pang kilos na nagdulot sa kanya ng matinding pagkabalisa.


Naganap umano ang mga ito habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa loob pa mismo ng mga pasilidad ng pulisya.


Dagdag pa sa affidavit, sinasabing ginamit umano ni Rufo ang kanyang posisyon upang gawan siya ng kahalayan.


Kinumpirma naman ng NAPOLCOM na nasa kanilang hurisdiksyon na ang nasabing reklamo at sasailalim ito sa kaukulang administrative proceedings alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.


Binigyang-diin ng Komisyon na ang mga ganitong uri ng reklamo, lalo na ang kinasasangkutan ng mga babaeng nasa serbisyo, ay kanilang tinutugunan nang may agarang aksyon, patas na pagdinig, at pagsunod sa due process, upang matiyak na mapapanagot ang sinumang may sala habang napapangalagaan ang karapatan ng lahat ng panig.


Muling nanawagan ang NAPOLCOM sa lahat ng miyembro ng Philippine National Police (PNP) na panatilihin ang pinakamataas na antas ng propesyonalismo, paggalang, at integridad, at iginiit na ang pamumuno ay dapat laging nakabatay sa pananagutan at moral na otoridad.


 
 

ni Lolet Abania | May 19, 2021




Inaprubahan ng National Police Commission (Napolcom) ang pag-recruit ng halos 20,000 patrolmen at patrolwomen upang maitalaga na mga kawani ng ahensiya at mapabuti pa ang kanilang pagseserbisyo sa taumbayan.


Ayon sa Napolcom, ang recruitment ng 17,314 bagong pulis ay para mailagay sa mga nabakanteng personnel, mapalakas ang kanilang hanay, mapunan ang mga pulis sa mga lugar, mapabuti ang tinatawag na police-to-population ratio at mapahusay ang peace and order condition sa bansa.


Sinabi ni Napolcom Vice-Chairman Vitaliano Aguirre II na ang National Capital Region Police Office ay bibigyan ng regular na 1,000 recruitment quota para sa unang recruitment cycle.


“The 16,314 attrition recruitment quota, on the other hand, is intended to replace uniformed personnel losses due to separation from the service (retirement, designation, death, dismissal from the service, absence without leave),” ayon sa statement ni Aguirre.


Samantala, ang recruitment quota ay itatakda sa mga Police Regional Offices sa una at ikalawang cycle gaya ng 350 sa PRO1; 400 sa PRO2; 750 sa PRO3; 750 sa PRO4A; 450 sa PRO4B; 850 sa PRO5; 100 sa PRO6; 650 sa PRO7; 1,200 sa PRO8; 100 sa PRO9; 150 sa PRO10; 100 sa PRO11; 100 sa PRO12; 100 sa PRO13; 100 sa PRO COR; 1,700 sa PRO BAR; at 5,000 sa NCRPO.


Dagdag pa ng Napolcom, 200 ang itatalaga sa Anti-Cybercrime Group; 350 sa Communications and Electronics Service; 200 sa Criminal Investigation and Detection Group; 500 sa Crime Laboratory; 100 sa Explosive Ordnance Disposal and Canine Group; 500 sa Health Service; 150 sa Headquarters Support Service; 100 sa Intelligence Group; 100 sa Legal Service; 1,000 sa Maritime Group; 250 sa National Police Training Institute; 514 sa PNP Drug Enforcement Group; 100 sa PNP Retirement and Benefits Administration Service; 150 sa Police Security and Protection Group; 100 sa Special Action Force; at 150 sa PNP Training Service.


Ipinaalala naman ni Aguirre sa mga awtoridad na kinakailangang sumunod sa rules and regulations ng pagsasagawa ng recruitment at appointment ng mga patrolmen at patrolwomen kasabay ng pagpapatupad sa itinakdang guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) na community quarantine.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page