Pulis, binaril sa checkpoint

by Jeff Tumbado @News | September 17, 2026

Isang pulis ang sugatan matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang isang security checkpoint sa Brgy. Kadingilan, Nabalawag, Special Geographic Area ng BARMM nitong Miyerkules.
Kinilala ang sugatang pulis na si Pat. Alfadz Umal ng Regional Mobile Force Battalion 14-A, na tinamaan sa kanang hita.
Ayon sa pulisya, itinatag ang checkpoint sa harap ng Kadingilan Barangay Hall bilang bahagi ng security operations matapos ang naunang engkuwentro sa pagitan ng mga armadong grupo na sinasabing konektado sa 118th at 105th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Alas-11:56 ng umaga, nakarinig ang mga pulis ng sunud-sunod na putok mula sa hindi pa matukoy na armas. Gumanti ng putok ang mga awtoridad bago umatras sa municipal police station nang humupa ang insidente.
Nag-deploy naman ng tropa ang 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army upang tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan sa lugar.





Comments