Puliduhin pero hindi dapat alisin ang NCAP
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 22, 2022
Palakas nang palakas ang panawagan ng publiko na repasuhin muna ang umiiral na No Contact Apprehension Program (NCAP) bago tuluyang ipatupad dahil sa dami ng butas at hindi maliwanag na panuntunan sa pagpapatupad nito.
Maganda naman ang layunin ng NCAP, ngunit kung isa o dalawa lamang nagrereklamo ay tila puwedeng ipagwalang bahala, ngunit kung isang tambak at inuulan na ng hindi magagandang komento hinggil dito, ang mga radio station at social media ay tila dapat ng pagtuunan ng pansin.
Nagsimula ang lahat nang ipatupad ng Quezon City government noong Hulyo 1, 2022 ang full implementation ng NCAP sa 15 major road ng naturang lungsod sa pag-akalang magiging maayos ang lahat.
Sa pamamagitan umano ng NCAP ay mas magiging maingat at disiplinado umano ang lahat ng motorista sa tuwing dadaan sa mga nabanggit na lansangan at walang palakasan pagdating sa pagsunod sa traffic rules and regulations.
Inilatag ng Quezon City government ang state-of-the-art cameras na may artificial intelligence technology upang makuhanan ng larawan at mai-record ang conduction stickers o plaka ng sasakyan na lumabag sa batas-trapiko sa loob ng 24-oras.
Ang mga nakagawa ng paglabag ay tatanggap ng notice of violation (NOV) na may karampatang multa na ipadadala sa kani-kanilang tirahan sa loob ng 14-araw sa pamamagitan ng e-mail o private courier.
Para sa mga paglabag, tulad ng disobedience to traffic control signals and signs, obstructing pedestrian lanes, counter flow driving, violating speed limit at driving or riding a motorcycle without using a safety helmet ay magmumulta ng P2,000 para sa unang paglabag at P3,000 para sa ikalawa at P4,000 para sa ikatlong pagkakataon.
Para sa iba pang paglabag, tulad ng driving over yellow boxes, reckless driving, not using of seatbelts, distracted driving, driving of unregistered motor vehicle ay may multang P3,000 sa unang pagkakataon, P4,000 sa ikalawa at P5,000 para sa ikatlong paglabag.
Higit sa lahat ay kailangang bayaran na ang multa sa loob ng 30-araw matapos matanggap ang NOV at kung saan dapat magbayad at may karagdagang 5% surcharge kada buwan kung hindi mababayaran ang multa sa loob ng itinakdang araw.
Dahil sa pag-aakalang maganda ang sistemang ito ay marami ng siyudad ang nagsigaya at karamihan ay nagpapatupad na ng NCAP, ngunit inulan naman ng reklamo dahil sa magkakaibang panuntunan depende sa lugar na nagpapatupad.
Noong Biyernes lamang ay nanindigan ang limang lungsod na epektibo umano ang pagpapatupad ng NCAP dahil naging disiplinado ang mga tsuper at naging maayos ang daloy ng trapiko sa kani-kanilang lugar.
Sa joint statement na ipinalabas ng mga alkalde sa Maynila, Valenzuela, Parañaque, San Juan at Quezon City, iginiit nilang dapat ituloy ang NCAP dahil bukod sa nasugpo ang kotong ay nababawasan din ang pang-aabuso ng mga tsuper sa kalye.
Nilalaman ng naturang joint statement na aprubado umano ng kani-kanilang konseho ang NCAP sa layuning mabawasan ang human intervention sa traffic management at matiyak ang kaligtasan ng motorista at publiko.
Magkagayun man ay iginiit ng transport group na sa dinami-rami umano ng binanggit na katuwiran ng mga punonglungsod na nais ipatupad ang NCAP ay higit na nangingibaw ang malinaw na ito ay matagumpay na income generating project dahil ‘MAY PERA SA CAMERA’.
Kung dati-rati umano ay may tsansa pa ang mga tsuper na mapatawad ng enforcer sa kauna-unawa at hindi sinasadyang paglabag ay hindi na ngayon dahil sa awtomatikong pagpapadala NOV sa mga tsuper na ito lamang ang tanging kabuhayan.
Sayang ang napakagandang layunin ng NCAP kung hindi ito napaghandaan ng maayos bago ipinatupad at kung hindi naman kayang ipahinto sandali ang implementasyon ng NCAP ay tiyaking maisaayos ang panuntunan.
Sa dami ng mga naglabasang problema ay tumatak ang naging karanasan ng taga-Quezon City na nakatanggap ng apat NOV gayung wala na umano siyang kotse dahil naipagbili na niya ilang buwan ang nakararaan.
Isa ito sa mga suliraning lumutang na dapat bago ipagbili ang sasakyan ay kumuha muna ng clearance sa tanggapan ng NCAP ang nagbebenta para masigurong wala na siyang pananagutan sakaling may paglabag ang nakabili na hindi pa isinalin sa kanyang pangalan ang rehistro ng sasakyan.
Dapat ding linawin kung paano ang magiging sistema kung ang may-ari ng sasakyan ay lumipat na ng bahay at hindi matukoy kung saan ipadadala ang NOV dahil sa lumalaki ang surcharge nito sa panahong hindi agad nababayaran.
Tama lang na linawin ang sistema para hindi naman mabaon sa utang ang may-ari ng sasakyan dahil lamang sa lumipat ito ng bahay at dapat ilathala ang pulidong patakaran bago ito tuluyang ipatupad para hindi ulanin ng reklamo.
Ang mga binanggit kong hinaing ng ating mga kababayan ay ilan lang sa napakaraming problema na nararanasan ngayon sa pagpapatupad ng NCAP at kung maisasayos ito ay lilitaw ang napakagandang dulot ng NCAP kaya marapat lang na puliduhin bago ipatupad.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.co





Comments