Publiko, ‘wag mag-atubiling isumbong ang mga palyadong super health center
- BULGAR

- Oct 21
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | October 21, 2025

Ngayong papalapit na ang Undas, hindi lang pala multo ang dapat katakutan ng taumbayan dahil mas nakakatakot ang mga “ghost projects” ng gobyerno na hindi napapakinabangan ng bawat mamamayan.
Kaya naman sa inilunsad na kampanyang “Oplan Bantay Super Health Center,” hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag magdalawang-isip na iulat ang mga hindi gumagana o mistulang abandonadong health centers sa kanilang mga lugar.
Sa pamamagitan ng social media, maaaring magsumite ng larawan o video bilang ebidensya. Batay sa datos ng ahensya, mula sa 878 super health centers na pinondohan sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program, 196 lamang ang ganap na operational, 17 ang bahagyang bukas, 365 ang patuloy na itinatayo, at 300 ang hindi pa rin gumagana.
Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, karamihan sa mga sarado ay nasa Luzon na umabot sa mahigit 170 pasilidad. Isa sa mga rason ng pagkaantala ay ang kakulangan sa kuryente, tubig, at mga tauhan.
Dito pumapasok ang papel ng lokal na pamahalaan, na responsable sa pagkumpleto ng utilities at pagkuha ng mga manggagawa.
Kasunod nito, sinimulan ng DOH ang inspeksyon sa mga pasilidad kasama ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang tiyakin na walang nalustay na pondo.
Sa halip na manatiling tahimik sa harap ng isyu, pinili naman ni Herbosa ang transparency, nagsumite siya sa ICI ng mga listahan ng mga palyadong proyekto at ipinatupad ang Citizens Participatory Audit (CPA). Dito, mismong mamamayan ang magiging mata’t tenga ng gobyerno. Sa ganitong sistema, nagiging daan ang Oplan Bantay para magkaroon ng pananagutan at pagkilos ng bayan.
Hindi sapat na may gusali lang tayong nakatayo, dahil kung gusto natin ng mas maraming Pinoy na maayos ang kalusugan at kalagayan, nararapat lang na bigyan ng prayoridad ng gobyerno ang mga super health center.
Kung ang pera na ginamit sa pagpapatayo ng mga ito ay galing sa taumbayan, nararapat lang na ang benepisyo ay bumalik din sa kanila.
Ang pagod ng isang manggagawa na kinaltasan ang kanilang kinikita bilang buwis para sa mga ipinangakong proyekto ng gobyerno, ay dapat na tumbasan sa pamamagitan ng gumagana at napapakinabangang proyekto.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments