top of page

Publiko, makilahok sa proseso ng pagtalakay sa national budget

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 5
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 5, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Hinirang kamakailan ang inyong lingkod bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, isang mahalagang tungkulin na tinatanggap natin ng may buong pagpapakumbaba. Bilang inyong Chairman ng Committee on Finance, isusulong natin na maging mas transparent ang proseso upang mas malinaw sa publiko kung saan napupunta ang ibinayad nilang buwis.


Tungkulin ng Committee on Finance na talakayin ang panukalang national budget ng bansa upang matustusan ang mga programa at proyekto ng pamahalaan. 

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), aabot ang National Expenditure Program (NEP) sa P6.793 trilyon. Mas mataas ito ng 7.38% kung ihahambing sa P6.326 trilyong national budget sa taong ito.


Matatandaan na nitong nakaraang State of the Nation Address (SONA), nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hindi niya aaprubahan ang “kahit anong budget na hindi alinsunod sa plano ng gobyerno para sa sambayanang Pilipino.” Binanggit ng Pangulo na may flood control projects na “palpak at gumuho, at ‘yung iba ay guni-guni lang.” Malinaw din ang naging mensahe ng Pangulo: “Sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino!”


Lumalakas na rin ang panawagan para isulong ang transparency sa pagtalakay ng national budget. Isinusulong ng maraming mga mambabatas mula sa Senado at House of Representatives na buksan sa publiko ang talakayan ng national budget, kabilang ang bicameral conference committee, kung saan nireresolba ang magkaibang bersyon ng national budget na inihanda ng Senado at ng Kamara.


Upang maging mas transparent ang pagtalakay sa national budget, isinusulong nating isapubliko ang mga mahahalagang dokumento gamit ang website ng Senado at ng Kamara. Sa website ng parehong Senado at Kamara, iminumungkahi ng inyong lingkod na isapubliko ang Budget Preparation (BP) 201 form na naglalaman ng panukalang budget ng mga ahensya ng pamahalaan; ang General Appropriations Bill (GAB) na inaprubahan ng Kamara sa huli at ikatlong pagbasa at isinumite sa Senado; ang bicameral conference committee report na naglalaman ng niresolbang bersyon na inihanda ng parehong Senado at Kamara; at ang reconciled version ng GAB para sa enrollment, ang hakbang na kinakailangang gawin bago lagdaan ng Pangulo ang national budget.


Iminumungkahi rin natin na isapubliko ng Senado at Kamara sa kani-kanilang mga websites ang mga transcripts ng mga talakayan, kabilang ang mga budget briefing, technical working group meetings, mga public hearings at, mga journal records ng mga talakayan. Iminumungkahi rin nating isapubliko ng Senado ang bersyon nito ng GAB na inaprubahan sa huli at ikatlong pagbasa.


Sa ganitong paraan, mahihikayat natin ang mas aktibong pakikilahok at pagsusuri ng publiko sa paglaan ng mga pondo sa iba’t ibang programa ng pamahalaan. Sa mga susunod na araw, patuloy nating tutukan ang iba’t ibang mga hakbang sa paghahanda ng national budget. Ating bantayan kung paano balak gastusin ng ating pamahalaan ang binabayaran nating buwis.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page