ni Ryan Sison @Boses | Oct. 29, 2024

Kailangan na mas mag-ingat ngayon ng mga kababayan dahil sa panganib na dulot ng pananalasa ng matitindi at paparating pang mga bagyo.
Umaabot sa 1,955 na mga barangay ang tinukoy ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) bilang prone sa mga pagbaha at landslide, kasunod ng paghagupit ng Bagyong Kristine.
Batay sa advisory ng MGB, ang lalawigan ng Cagayan ang pinakamaraming bilang ng flood and landslide-flood-prone barangay na nakapagtala ng 802.
Ang iba pang apektadong barangay ay matatagpuan naman sa mga probinsya ng Batanes, Isabela, Negros Oriental, Apayao, Kalinga, Ilocos, Occidental Mindoro, Palawan, Aklan, Antique, Iloilo, at Negros Occidental.
Pahayag ng MGB, bagaman hindi kasama sa kasalukuyang listahan ang ilang lalawigan na nabanggit sa Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) advisories na naaapektuhan ng Severe Tropical Storm Kristine, pinapayuhan pa rin silang i-activate ang naaangkop na mga hakbang sa paghahanda at pag-monitor para sa hinaharap na geohazard advisories, sakaling magkaroon ng anumang biglaang pagbabago sa rainfall forecast o weather conditions.
Ayon pa sa bureau, ang mga naitalang barangay na prone sa landslide at pagbaha ay base sa kanilang 100-millimeter (GSM) at 150 mm Weather Research and Forecasting model (WRF) rainfall threshold values.
Gayundin anila, dapat na mag-ingat ang mga mamamayan at mag-monitor sa kanilang mga lugar kung nakakaranas ng mga pagguho ng lupa na maaaring mangyari, matapos ang dalawa hanggang tatlong araw na sunud-sunod na pag-ulan.
Inirekomenda rin ng MGB sa mga apektadong barangay na magsagawa ng preemptive evacuation protocols para sa mga residente sa kanilang lugar sakali namang lumala ang sitwasyon.
Marahil, kailangan nating lahat na maging vigilant o alerto sa pagbabantay habang patuloy na nag-iingat sa anumang puwedeng mangyari sa ating mga lugar.
Hindi biro na sa tindi at malalakas na pagbuhos ng ulan na kahit na walang bagyo, posibleng sa katagalan ay lumambot ang mga lupa na kinatitirikan ng ating mga bahay at magresulta sa pagguho ng lupa. Kasama rin ang mga pagbaha na maaaring maging dahilan ng landslide.
Gayundin, mag-monitor tayo sa mga lugar na malapit sa mga ilog at sapa na nagpapakita ng tinatawag na vertical movement, kung saan nagpapahiwatig ng posibleng aktibong erosyon.
Para sa kinauukulan, dapat sigurong buhayin uli ang mga emergency response and preparedness teams at palaging makipag-ugnayan sa mga local government unit nang sa gayon ay agad na marespondehan ang mga kababayang nangangailangan ng tulong.
Ang pagkakaisa at pagtutulungan, kasama rito ang gobyerno, taumbayan at komunidad ang magiging susi para muli tayong makaahon sa mabigat na karanasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments