Publiko, ingat sa pagbili ng mga mura pero delikadong produkto
- BULGAR

- Dec 9, 2025
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 9, 2025

Sa tuwing papalapit ang Kapaskuhan, iisang lamang ang takbuhan ng mga nagtitipid, at naghahanap ng kalidad pero murang paninda, at ito ang Divisoria.
Ito ang pugad ng murang bilihin, praktikal na regalo, at presyong abot-kaya kahit pa medyo kapos sa budget. At ngayong dalawang linggo na lang ay Pasko na, mas lalo itong dinadagsa ng mga kababayan bilang pangunahing pamilihan.
Kitang-kita ang lakas ng Divisoria para sa mga namimili o konsyumer, kung saan may mga paninda rito na ang presyo ay nasa halagang P35 hanggang P200 na puwedeng panregalo, at ang nakakatuwa ay wala pa itong diskuwento.
May mga dumadayo na rin kahit wala pang budget para bumili kahit paano, dahil hinihintay pa ang kanilang 13th month pay. Isang paalala ng realidad na kahit puno ang Divisoria, hindi lahat ay handa nang gumastos, sadyang may naitabi at naipon lamang habang umaasa pa rin sa himig ng Pasko.
Mura rin ang ibang essentials, gaya ng gift wrapper na P20 kada 5 piraso, paper bags na P10-15, at Christmas tree na P2,500-P5,000 depende sa laki. Ang mga palamuti, bagsak-presyo rin dahil sa dami ng mga nagbebenta at sa matinding kumpetisyon mula sa mga online sellers.
Habang abala ang lahat sa pamimili ng murang gamit at panregalo, may isang umiiral na adbokasiya, ito ay ang BAN Toxics, na ayon kay advocacy and campaign officer Thony Dizon, ito ay isang panawagan na maging masinop at huwag basta bili nang bili ng mga dekorasyong gawa sa plastik lalo’t may panganib ng kemikal.
Hinihikayat nilang mag-reuse, mag-repurpose, at pumili ng materials na eco-friendly. Kapag bibili anila ng Christmas lights, tiyakin ang ICC o PS mark bilang proteksyon laban sa substandard at delikadong produkto.
Sa gitna ng agos ng mga konsyumer na gustong bumili ng mga bagay na presyong abot-kaya, at mga pangakong mas makakatipid, dapat ay maging mas maingat sa anumang gamit na bibilhin.
Tandaan natin na ang Pasko ay para sa lahat at hindi ito tungkol sa magarbong regalo, kundi sa paghahanap ng paraan para mapasaya ang mga mahal sa buhay nang hindi nabubutas ang bulsa at hindi rin naman magdudulot ng panganib o perhuwisyo sa atin.
Sa pagpunta natin sa mga budget-friendly na pamilihan, masaya, mas tipid, at may pagkakataong bumili ng maraming regalo. Subalit kasabay nito, dapat ding may disiplina sa pagpili ng mga gamit na bibilhin upang maging ligtas, praktikal, at hindi makadagdag sa problema.
Dahil ang tunay na diwa ng Pasko ay pagbibigay, pero mas maganda kung ito ay sasamahan natin ng talino at pagiging responsable.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments