top of page
Search
BULGAR

Publiko, ingat sa E. Coli Bacteria sa mga gulay

ni Ryan Sison @Boses | September 1, 2024


Boses by Ryan Sison

Kahit sabihing hindi ganoon kadelikado, kailangan pa rin nating maging maingat sa pagbili at pagkain ng mga gulay. 


Sa isinagawang pag-aaral ng mga scientist mula sa University of the Philippines Diliman College of Science (UPD-CS), na suportado ng Department of Agriculture-Bureau of Agricultural Research (DA-BAR), natuklasan nila ang E.coli bacteria sa ilang mga gulay mula sa urban farms at wet markets sa Metro Manila. 


Sa 419 vegetable sample na galing sa mga urban farm at apat na wet market, 13.60 porsyento ang natagpuang mayroong E. coli -- na may mas mataas na presensya sa mga sample mula sa mga urban farm kumpara roon sa mga wet market.


Ayon sa mga UP scientist, ang E. coli o Escherichia coli ay karaniwang matatagpuan sa mga dumi ng mga tao at mga hayop. Bagama’t karamihan sa mga strain ng E. coli ay hindi nakakapinsala, ilan dito ay maaaring magdulot ng mga sakit gaya ng gastroenteritis, typhoid fever, at dysentery. 


Gayundin, naobserbahan ng mga naturang siyentipiko na ang mga urban farms ay madalas na gumagamit ng tubig-ulan o rainwater, pond water, at tubig mula sa balon para sa irigasyon, na nagpapataas ng panganib ng bacterial contamination.


Bukod pa rito anang grupo, ang mga hayop tulad ng aso, pusa, at manok na gumagala sa mga urban farm ay maaaring makapag-ambag sa kontaminasyon ng tubig at lupa kung saan tumutubo ang mga gulay.


Sinabi naman ni William Mugot, division chief ng Plant Product Safety Services Division ng Bureau of Plant Industry (BPI), may mga potensyal na panganib ng kontaminasyon sa kabuuan ng food supply chain. 


Paliwanag ni Mugot, nagsisimula ito sa farm, kung saan maaaring may kontaminasyon mula rito, sa tubig na ginagamit ng mga magsasaka at sa panahon ng pag-transport nito at maging sa paghawak o iyong mga nagbubuhat. Aniya pa, puwede rin sa pag-display ng commodities sa mga palengke ay magkaroon ng tsansa na may kontaminasyon.


Hindi man nakakaalarma o nagdudulot ng matinding pinsala sa ating kalusugan, ang pagkakaroon ng E.coli bacteria sa mga gulay ay hindi natin puwedeng balewalain.


Kailangan pa rin nating maging mapanuri sa ating mga binibili sa palengke lalo na mga pagkain dahil maaari itong na-contaminate o kaya naman ay nagkaroon ng mikrobyo.


Paalala lang sa ating mga kababayan na siguruhin na hinuhugasan at niluluto nating mabuti ang mga gulay o pagkain na ating binibili sa mga palengke at tiyakin nating malinis ito bago kainin nang sa gayon ay hindi tayo tamaan ng anumang sakit.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page