top of page
Search
BULGAR

Public transport, ayusin para komyuter hindi manggitata

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 5, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Noong isang linggo ay nagpunta kami ng aking buong pamilya sa Thailand na kalapit na bansa ng Pilipinas na tatlong oras na biyahe sa himpapawid. 


Ito ang aking ikalawang biyahe roon, samantalang unang pagbisita naman ng aking mga anak sa kapital na siyudad ng Bangkok bilang pasasalamat sa pagtatapos sa kolehiyo ng aking bunso. Bago rito ay nakabiyahe na rin sila sa Amerika partikular sa New York, sa San Francisco at Los Angeles sa California, at sa Las Vegas, gayundin, sa Singapore at Hong Kong na kasama ako. 


Gaya ng aking inaasahan, labis na natuwa ang aking mga anak sa kanilang limang araw na paglilibot sa Bangkok. Samantala, napuno akong muli ng lungkot bilang isang Pilipino sa gitna ng abang kalagayan ng sistema sa Maynila kumpara sa Bangkok lalo na sa kalidad ng pampublikong transportasyon at pagkain. 


Dahil tahi-tahi at maayos ang kanilang railway system, matapos pa lamang ang unang araw ay kumpiyansa na ang aking bunsong anak na gumala nang mag-isa kung saan-saan habang hinihintay niya kami. 


Paano ba naman, malinaw ang nakapaskil na mga ilustrasyon ng mga istasyon ng kanilang railway system. Ang katumbas ng ating LRT na kanilang BTS Skytrain (Bangkok Mass Transit System) na may tatlong linya na ugnay-ugnay ay maaasahan, mabilis, malinis at kaaya-ayang gamitin. May mga nakapalibot pang mga tindahan ng samu’t sari na tila nasa mall ka rin, bukod pa sa naggagandahang mga walkway na pawang nakakabit sa mga nakapalibot na bonggang malls para sa mga namamasyal. 


Kalunos-lunos tuloy lalong ikumpara ang kalagayan ng ating mga kababayang gumagamit ng LRT at MRT, kung saan nagsisiksikan sa loob na tila nasa lata ng sardinas tuwing rush hour, nagbabalyahan, nag-uunahang sumakay at nagkukumahog ding makababa habang sinasalubong ng mga sasakay na pasahero. Sa ating paggamit ng ilang beses sa BTS kahit rush hour na maraming sumasakay ay nasaksihan nating kampante ang mga pasahero sapagkat hindi labis na siksikan sa loob, at nakakasakay at nakakababa ang mga pasahero ng maayos. 


Kung ang ating subway ay sa 2029 pa matatapos, noon pang 2004 ay may subway na ang Thailand na atin ring ikinatuwang sakyan papunta sa Chatuchak Market na murang pamilihan doon. Nakaugnay din ang ilang linya ng subway sa BTS Skytrain kaya napakadali ang pasikut-sikot sa siyudad. 


Gaya naman ng Pilipinas, mabigat din ang daloy ng trapiko sa Bangkok kapag rush hour. Ngunit ang kaibahan ay hindi ka mag-aalangang gumamit ng railway system sa Bangkok kahit pa nakapustura sa lamig ng aircon dito at sa bilis ng pagdating ng mga tren. May mga nakita pa tayong mga senior citizen na nakasuot ng evening gowns na tila galing sa isang pagtitipon ang sumakay ng subway. 


Ganoon naman talaga dapat ang mass transit system, kahit may kaya o ordinaryong mamamayan ay gugustuhing sumakay dito sapagkat mas kumbinyente at mas mabilis kaysa gumamit ng sariling sasakyan na magpapasikip lamang sa mga kalsada.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page