P1.7 trillion pondo para sa edukasyon, aprub na sa Senado
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 11, 2025

Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang bersyon nito ng 2026 national budget, ang kauna-unahang tumugon sa pamantayan ng United Nations para sa paggasta sa edukasyon.
Sa bersyon ng budget na ipinasa ng Senado ngayong linggo, P1.37 trilyon ang inilaan sa sektor ng edukasyon, katumbas ng 4.5% ng Gross Domestic Product (GDP). Ito ang kauna-unahang budget na sumusunod sa rekomendasyon ng UNESCO na maglaan ng 4 hanggang 6% ng GDP para sa sektor ng edukasyon.
Hindi lamang natin ilalaan ang pinakamataas na pondo sa edukasyon para sa 2026. Titiyakin din natin na mabibigyang prayoridad ang mga mahahalagang programa upang mapalawak ang access sa edukasyon at mapatatag ang pundasyon ng ating mga kabataan.
Sa pagkakataong ito, nais kong bigyang-diin ang mga mahahalagang pagbabagong ginawa ng Senado upang tumaas pa lalo ang pondo ng edukasyon. Nagdagdag tayo ng P19.2 bilyon sa halagang nakasaad sa General Appropriations Bill (GAB) o House Bill No. 4058 upang makapagpatayo ng mahigit 24,000 na mga bagong silid-aralan sa bansa.
Makakatanggap din ang Department of Education ng P28.6 bilyon para sa School-Based Feeding Program upang masaklaw ang 200 na araw ng pasukan. Inaasahang 4.8 milyong mga mag-aaral ang makikinabang sa naturang programa, kabilang ang lahat ng mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1. Magpapatuloy naman ang suporta sa mga ‘wasted’ at ‘severely wasted’ na mga mag-aaral mula Grade 2 hanggang Grade 6.
Para sa mga State Universities and Colleges (SUCs), maglalaan tayo ng P139.03 bilyon. Mas mataas ito ng P7.35 bilyon sa halagang nakalaan sa GAB, upang palawakin ang kanilang kakayahang tumanggap ng mas maraming mag-aaral. Pinuna kase natin noon na may 168,000 na mga kwalipikadong mag-aaral na hindi nakapag-enroll sa mga SUCs dahil sa kakulangan ng kanilang mga kapasidad.
Naglaan din tayo ng P1 bilyon sa ilalim ng Local Government Support Fund upang ma-convert ang mahigit P3,000 daycare centers sa mga fourth at fifth class municipalities bilang Child Development Centers (CDCs). Saklaw din ng naturang pondo ang paglikha ng 150 plantilla positions ng mga Child Development Workers.
Nagpapasalamat tayo sa ating mga kasamahan sa Senado para sa kanilang tulong na gawing mas transparent ang proseso ng pagba-budget. Ngayong nasa huling yugto na tayo ng pagbuo ng 2026 national budget, hinihimok natin ang ating mga kababayan na patuloy na maging mapagmatyag. Sama-sama nating tiyaking magiging malaya ang 2026 budget mula sa anumang anyo ng katiwalian.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments