Psycho test sa mga driver, para sa maayos na pagbiyahe
- BULGAR

- Sep 14, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 14, 2024

Para sa mga driver na nasangkot sa mga insidente ng road rage at iba pang pagkakataon kung saan kumikilos sila sa “labas ng normal behavior”, nangangailangan ang mga ito ng psychological tests.
Ito ang binigyang-diin ng Land Transportation Office (LTO) at ipinunto ang nangyari sa Taguig City noong nakaraang buwan na kinaladkad ng driver ang isang traffic enforcer sa hood ng kanyang sasakyan habang nagtangkang tumakas sa pagkahuli.
Kasalukuyan namang nasa preventive suspension ang driver’s license ng naturang motorista at patuloy na dinidinig ng LTO ang kanyang kaso.
Sa panayam kay Mendoza ay kanyang ipinahayag na gusto niyang matiyak na kung ang driver ay mapaparusahan, at papayagan nang magmaneho muli o magpatuloy sa pagmamaneho, dapat ito ay psychologically fit na rin.
Nauna nang sinabi ng SUV driver sa media na mabilis niyang pinatakbo palayo ang sasakyan, na ang enforcer ay na-tow, dahilan sa siya ay nag-panic.
Sinabi ng LTO chief na kung nag-panic o kaya naman ay panic nang panic dahil sa may nangyari, iyan ay isang bagay na kailangan nilang tiyakin na hindi na mauulit. Giit niya bago ibalik ang naturang lisensya o i-renew ang pagmamaneho, dapat na mag-psychological test muna ito.
Ayon kay Mendoza, pinag-aaralan na ng ahensya ang pagkakaroon ng psychological test para sa mga erring driver.
Aniya, nakipag-ugnayan na sila sa mga psychologist para maglabas ng isang test na magagamit nila upang matiyak na hindi lang ang mga driver ay physically fit na magmaneho kundi mentally at psychologically fit din na mag-drive. Pinapamadali na rin niya ito dahil na rin sa mga nangyaring insidente.
Nilinaw naman ni Mendoza na hindi ito required sa mga nag-a-apply ng driver’s license. Habang sinabi niyang nais ng LTO na i-pattern ang polisiya gaya sa ibang bansa na nagpapatupad ng naturang test.
Marahil, tama lang ang gustong gawin ng kinauukulan na ang ating mga driver ay sumailalim sa isang psychological test bago sila magmaneho para maging maayos talaga ang kanilang pagbiyahe.
Marami rin kasi sa mga driver na madaling mag-init ang ulo o kaya naman ay biglang tinutopak kaya nagkakaroon tuloy ng hindi magandang engkwentro sa kapwa driver.
Kumbaga, nagiging mainitan ang pagtatalo ng magkabilang panig na minsan ay humahantong pa sa sakitan kung saan nagsimula lamang sa simpleng problema.
Paalala lamang sa mga kababayang driver na pairalin ang disiplina at magbaon lagi ng pasensya lalo na kung tayo ay nasa kalsada para makaiwas tayo sa disgrasya.
Isipin din sana natin na hindi lang tayo dapat na physically fit, kailangan din na mentally at psychologically fit sa tuwing hawak natin ang ating manibela.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments