Proud kina Jodi, John Lloyd atbp. DINGDONG: MGA ARTISTANG PINOY, PANG-INTERNATIONAL NA ANG LEVEL
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | December 19, 2022

Proud na proud si Dingdong Dantes sa mga kasamahan niya sa industriya na nanalo ng international awards lately at nagdala ng karangalan sa ating bansa.
Bilang presidente ng AKTOR (League of Filipino Actors), sa kanyang Instagram post ay nagbigay ng pagpupugay si Dingdong sa mga co-actors and filmmakers na nabigyan ng awards at rekognisyon sa mga international award-giving bodies tulad nina Jodi Santamaria, John Lloyd Cruz at marami pang iba.
“Nagbubunyi ang AKTOR (League of Filipino Actors) sa tagumpay na inaani ng mga Filipinong artista sa teatro, pelikula at telebisyon.
“Si Dolly de Leon ang unang artistang Pinoy na nominated sa Golden Globe Awards ng Estados Unidos. Nauna rito, itinanghal siyang Best Supporting Actress sa Los Angeles Film Critics Award.
“Nagwagi naman si Jodi Sta. Maria sa Asian Academy Creative Awards.
“Napansin din ang pagganap ni Soliman Cruz sa Romanian film na To the North kasama sina Bart Guingona at Noel Sto Domingo; si Chai Fonacier sa Nocebo ng Amerika at si Stefanie Arianne ng Japanese film na Plan 75.
“Itinampok din sa pelikula ni Lav Diaz na Kapag Wala nang mga Alon na tumanggap ng papuri sa IFFI GOA sina John Lloyd Cruz, Ronnie Lazaro, Shamaine Centenera at DMs Boongaling,” ang pahayag ni Dingdong.
Patuloy niya, “Ang mga tagumpay na ito ay karugtong ng mga naunang pagkilala sa mga artistang Filipino noon pa man - Charito Solis, Nora Aunor, Angeli Bayani, Jacklyn Jose, John Arcilla at iba pa.”
Ipinagmamalaki rin ni Dong na ang mga Pilipinong aktor ay puwedeng ihilera sa mga pinakamahuhusay na aktor sa buong mundo.
“Tunay, ang mga Filipinong aktor ay kabilang sa pinakamahuhusay sa mundo, at maituturing na yaman ng bansa.
“Mabuhay ang Filipinong Aktor!” ani Dingdong.





Comments