top of page
Search
BULGAR

Proteksyunan ang kapakanan at karapatan ng mga midwives

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 27, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Ang ating mga midwives o mga komadrona ay mahalagang bahagi ng ating healthcare system lalo na sa mga komunidad. Kaya naman kinikilala natin ang kanilang walang kapagurang pagsisikap, malasakit at malawak na karanasan para matiyak na ang mga kababaihan at kanilang sanggol ay ligtas at malusog.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, labis ang ating paghanga at pasasalamat sa ating mga midwives. Sila ang bayani sa likod ng matagumpay na panganganak ng mga sineserbisyuhan nila. Bilang isang magulang, napakaimportante para sa akin ang kapakanan ng mga anak. At siyempre, importante rin sa akin ang kaligtasan at kalusugan ng ina.


Nag-file ako sa Senado ng panukalang batas para ma-update ang Republic Act No. 7392, o ang Philippine Midwifery Act of 1992. Nais nating isulong ang kanilang kapakanan at paigtingin ang kanilang propesyon na naaayon sa mga kasalukuyang pamantayan pagdating sa larangan ng midwifery. Layunin din natin na makabuo ng bagong regulatory frameworks na kaagapay ng current standards and requirements ng midwifery practice at matiyak na ang ating mga midwives ay may kakayahan na magkaloob ng mas maayos na pangangalaga sa mga ina at kanilang mga sanggol.


Inihayag natin ang mga adhikaing ito na mas mapalakas pa ang kanilang kakayahan at maitaas ang antas ng kanilang propesyon noong nakasama ko ang iba’t ibang grupo ng midwives nitong nakaraang mga araw. Naging guest speaker tayo sa ginanap na pagtitipon ng Philippine Society of Private Midwife Clinic Owners (PSPMCO), Inc., kasama ang Integrated Midwives Association of the Philippines (IMAP), sa Davao City noong April 20. Nakasama naman natin ang Philippine League of Government and Private Midwives Inc. noong April 24 sa Davao City din.


Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng RA 11466, o ang Salary Standardization Law 5, kabilang ang mga midwives sa ating naging inspirasyon upang sa pamamagitan ng batas na ito ay madagdagan ang kanilang suweldo at mga benepisyo, maging ng iba pang kawani ng gobyerno at health workers sa public sector. Isinusulong din natin ngayon ang isa pang panukalang itaas muli ang pasuweldo ng mga manggagawa sa gobyerno kung maisabatas ang ating inihaing Senate Bill No. 2504, o ang proposed Salary Standardization Law 6.


Patuloy kong isinusulong ang mga inisyatibang makakabuti sa mga ordinaryong manggagawang nagseserbisyo sa gobyerno upang mapabuti rin ang serbisyo na matatanggap ng bawat Pilipino.


Binisita natin noong April 24 sa Puerto Princesa City, Palawan ang mga miyembro ng Philippine Air Force sa pamumuno ng Commander ng Western Command na si Vice Admiral Alberto Carlos at si TOW West Commander Brigadier General Erick Escarcha. Mula noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte hanggang ngayon, buo ang suporta natin sa mga sundalo dahil sa sakripisyo nila sa pagpapanatili ng kapayapaan sa ating bansa, at pangangalaga sa kaligtasan ng bawat Pilipino.


Sinaksihan din natin sa araw na iyon ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Quezon, Palawan. Pinangunahan naman natin ang pamamahagi ng tulong sa 373 residente ng Puerto Princesa City na naging biktima ng sunog noon. Sa ating pakikipagtulungan sa National Housing Authority ay nabigyan sila ng pambili ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagsasaayos ng kanilang tahanan. Dumalo rin tayo sa Philippine Councilors League at Vice Mayors’ League-Surigao del Norte Chapter General Assembly sa paanyaya ni Board Member Allan Tortor.


Dumalo naman tayo noong April 25 sa ginanap na Lanao del Norte Barangay Congress sa paanyaya nina Provincial LNB Federation President Joseph Neri at Governor Imelda Dimaporo na idinaos sa Mindanao Civic Center sa bayan ng Tubod. Ang okasyon ay dinaluhan ng 5,082 barangay officials mula sa 462 barangay ng Lanao del Norte. Bilang kapwa Mindanaoan, patuloy tayong makikipagtulungan sa mga lokal na opisyal upang isulong ang kapakanan ng mga kababayan natin doon.  


Sinaksihan din natin ang blessing and turnover ceremonies ng Baroy Town Plaza kasama sina Vice Governor Allan Lim at Mayor Grelina Lim. Ang naturang proyekto ay ating sinuportahan upang maisakatuparan. Personal nating pinangunahan ang pagkakaloob ng ayuda sa 966 mahihirap na residente ng Baroy, na nakatanggap din ng tulong mula sa lokal at national na gobyerno.


Kahapon, April 26, nakipagpulong naman tayo sa Philippine Councilors League-Southern Leyte Chapter sa paanyaya ni Councilor Ina Marie Loy na ginanap sa Tagaytay City. Dumalo rin tayo sa Liga ng mga Barangay-Sorsogon Provincial Congress sa Royce Hotel sa Clark, Pampanga sa paanyaya ni LNB President Jose Arturo Enano. Naging panauhin tayo sa Naval Officers Qualification Course (NOQC) Charlie Alumni Association-Charlie Night sa paanyaya ni Organizing Committee Chair Ret/RADM Lino Dabi.


Masaya ko ring ibinabalita na nagsagawa na ng turnover ng bagong Super Health Centers sa Dipolog City at Labason, Zamboanga del Norte nitong nakaraang mga araw, kung saan namahagi tayo ng kaunting tulong sa mga barangay health workers doon.


Tuluy-tuloy rin ang aking Malasakit Team sa pagbibigay ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Nahatiran natin ng tulong ang mga naging biktima ng sunog kabilang ang 48 sa Bislig City, Surigao del Sur; at siyam sa Malolos City, Bulacan.


Nasuportahan din ang 88 residente ng Brgy. Karuhatan, Valenzuela City kasama si Kagawad Keren Medina; at 177 sa Tarlac City kasama si Mayor Cristy Angeles, na nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.


Natulungan naman ang 338 mahihirap na residente sa Marinduque katuwang si Vice Governor Lyn Angeles; 150 sa Calbiga, Samar; 600 sa Makilala, North Cotabato katuwang si Mayor Armando Quibod; at 800 sa Sta. Ana kasama si Vice Mayor Cathy Ladrido, at 500 sa Claveria kasama si Mayor Lucille Yapo, mga bayan sa Cagayan.


Binalikan din natin ang mga nasira ang tahanan dahil sa mga sakuna at kalamidad gaya ng 85 residente mula sa Mandaue City; at 68 sa Tuburan, Cebu upang bigyan ng dagdag na suporta para makabangon. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa NHA na pampaayos ng kanilang bahay.


May suporta rin tayong ipinarating sa 147 TESDA scholars sa Cagayan de Oro City katuwang si Councilor Girlie Balaba. Namahagi naman tayo ng suporta sa Island Garden City of Samal sa kanilang pagdiriwang ng 2nd Indigenous People’s Day.



Bilang inyong Mr. Malasakit, basta kaya ng aking katawan, oras at panahon, patuloy tayong maghahatid ng serbisyo sa iba’t ibang sektor, lalo na ang mga mahihirap nasaan man sa ating bansa sa abot ng ating makakaya at kapasidad. Bisyo ko na ang magserbisyo, dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page