top of page

Proteksyon at karapatan sa mga bumibili ng bagong sasakyan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 10, 2023
  • 4 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 10, 2023


Kinikilala ng Estado na ang pagbili ng sasakyan ay isang malaking puhunan para sa isang mamamayan, kaya isa sa mga polisiya ng Estado ay ang bigyan ng proteksyon at mga karapatan ang mga bumibili ng mga bagong sasakyan laban sa mapanlinlang na nagbebenta ng mga ito. Dahil sa polisiya na ito ay ipinasa at isinabatas ang Republic Act No. 10642 na may pamagat na “An Act Strengthening Consumer Protection in the Purchase of Brand New Motor Vehicles” o tinaguriang “Philippine Lemon Law.”


Sakop ng mga probisyon ng “Philippine Lemon Law” ang lahat ng mga bagong sasakyan na binili sa Pilipinas na inireklamo ng bumili nito dahil ang ispesipikasyon nito ay hindi akma sa mga pamantayan o ispesipikasyon ng gumawa (manufacturer) o nagbenta (distributor) nito na siyang naging dahilan kung bakit binili ang nasabing sasakyan. Ang reklamo na ang nabiling bagong sasakyan ay hindi akma sa pamantayan at ispesipikasyon ng nagbenta at gumawa nito ay marapat na maiparating sa manufacturer o dealer sa loob ng 12 buwan mula nang ito ay unang i-deliver o mayroon na itong hanggang 20,000 kilometraheng operasyon, alinman sa dalawa ang mauna.


Subalit ang probisyon ng “Philippine Lemon Law” ay hindi maaaring magamit sa mga sumusunod na pagkakataon:


  1. Hindi pagtupad ng mamimili ng kanyang mga obligasyon na nakapaloob sa warranty;

  2. Paglalagay ng mga pagbabago na hindi pinapayagan ng nagbenta o gumawa ng sasakyan;

  3. Pang-aabuso at pagpapabaya sa bagong sasakyan;

  4. Pagkasira na dulot ng aksidente o force majeure (sakuna).


Sa pagkakataon na magkakaroon ng sira ang nabiling bagong kotse sa loob ng itinakdang panahon na nabanggit sa itaas, at matapos ang 4 na beses na pagsubok na isaayos (repair) ang parehong problema o sira ng nagbenta, manufacturer o dealer nito ngunit hindi pa rin ito naayos, maaaring gamitin ng nakabili ang kanyang karapatan sa ilalim ng Philippine Lemon Law.


Kung gagamitin ng mamimili ang kanyang mga karapatan, kinakailangan munang ipaalam at iparating ng nasabing mamimili sa pamamagitan ng isang sulat sa manufacturer, distributor, retailer o dealer ng nasabing sasakyan ang hindi pagkaayos ng sirang kanyang inirereklamo at ng kanyang intensyon na gamitin at pairalin ang kanyang karapatan sa ilalim ng Philippine Lemon Law.


Matapos na maiparating ng mamimili ang nasabing problema sa manufacturer, dealer o distributor, maaari na nitong dalhin ang bagong sasakyan sa lugar kung saan ito binili para sa pinal na pagsasaayos ng sira na kanyang inirereklamo.


Tungkulin ng nasabing manufacturer, dealer o distributor na bigyan ng pansin at ayusin ang sira o problema at gawin itong sang-ayon sa pamantayan at ispesipikasyon ng manufacturer, dealer o distributor bago muling ibalik ang sasakyan sa nakabili nito.


Inaasahan na ang nakabili ng sasakyan, matapos na ibalik sa kanya ito ng manufacturer, dealer o distributor, ay ipararating kung naayos ba o hindi ang sira o problema na kanyang inireklamo. Kapag hindi ibinalik ng mamimili sa loob ng 30 araw mula nang ibinalik ng manufacturer, dealer o distributor ang sasakyan base sa parehong reklamo, ipagpapalagay na tagumpay ang pag-aayos.


Kapag ang manufacturer, dealer o distributor ay hindi pa rin naaayos ang problema ng sasakyan sa kabila ng kanyang pagpupursigi na ayusin ang sira, maaaring magsampa ng hinaing o reklamo ang nakabili ng sasakyan sa Department of Trade and Industry (DTI).


Sa mga sandaling hindi nagamit ng mamimili ang kanyang biniling bagong sasakyan sapagkat inaayos ito at sa bawat araw na ginamit niya ang kanyang karapatan sa ilalim ng Philippine Lemon Law, mabibigyan ang nasabing mamimili ng pang-araw-araw na transportation allowance na sapat para sa isang air-conditioned taxi o sa anumang halaga na mapagkasunduan ng mamimili at ng manufacturer, dealer o distributor.


Anumang hindi pagkakasundo ukol dito ay maaaring idulog sa DTI.


Anumang usapin mula sa probisyon ng Philippine Lemon Law ay nasa eksklusibong hurisdiksyon ng DTI at maaaring ayusin ang mga ito sa pamamagitan ng mediation, arbitration at adjudication.


Sa ilalim ng mediation, magkakaroon ng pag-uusap para subuking pagkasunduin ang mga partido.


Kapag hindi nagkasundo ay magkakaroon ng arbitration o adjudication. Sa prosesong ito ay titingnan ng DTI kung mayroong paglabag sa mga ispesipikasyon ng manufacturer, dealer o distributor ang biniling sasakyan.


Sa sandaling mayroong katunayan na nagkaroon ng paglabag ang manufacturer, dealer o distributor ay maaaring magdesisyon ang DTI at utusan ang manufacturer, dealer o distributor ng nabiling sasakyan na gawin ang mga sumusunod:


1. Replace the motor vehicle with a similar or comparable motor vehicle in terms of specifications and values, subject to availability;

2. Accept the return of the motor vehicle and pay the consumer the purchase price plus the collateral damage.


Kapag ang isinauling sasakyan ay ibebentang muli ng manufacturer, distributor, authorized dealer o retailer, ipapaalam ng huli sa susunod na bibili ang mga impormasyong katulad ng mga sumusunod:

1. The motor vehicle was returned to the manufacturer, distributor, authorized dealer or retailer;

2. The nature of the nonconformity which caused the return;

3. The condition of the motor vehicle at the time of the transfer to the manufacturer, distributor, authorized dealer or retailer.


Ang paglabag sa probisyon na kinakailangang iparating ng manufacturer, distributor, authorized dealer o retailer sa susunod na bibili ang problema ng nasabing ibinalik at ibinentang muli na sasakyan ay may karampatang parusa na pagbabayad ng danyos na hindi bababa sa P100,000.00, bukod sa iba pang kasong kriminal o sibil na maaaring isampa ng bumili.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page