Protection order, maaaring ipatupad saan man sa ‘Pinas
- BULGAR

- 2 days ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 9, 2025

Dear Chief Acosta,
Ano ba ang layunin ng Protection Orders sa Republic Act (R.A.) No. 9262? Kung ang hukuman sa isang siyudad ang mag-iisyu ng protection order, ang pagpapatupad at sakop ba nito ay limitado lamang sa teritoryal na sakop ng nasabing hukuman? Paano kung lumipat ng bayan o siyudad ang aplikante? Kailangan pa ba mag-aplay ng panibagong protection order sa lugar kung saan siya lilipat ng tirahan? Maraming salamat sa paglilinaw. -- Valerie
Dear Valerie,
Ayon sa Republic Act (R.A.) No. 9262, o mas kilala sa tawag na “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004,” partikular sa ilalim ng Seksyon 8 ng nasabing batas na:
“Section 8. Protection Orders.- A protection order is an order issued under this act for the purpose of preventing further acts of violence against a woman or her child specified in Section 5 of this Act and granting other necessary relief. The relief granted under a protection order serve the purpose of safeguarding the victim from further harm, minimizing any disruption in the victim's daily life, and facilitating the opportunity and ability of the victim to independently regain control over her life. The provisions of the protection order shall be enforced by law enforcement agencies. xxx.”
Hinggil sa nabanggit, ang protection order ay isang utos na inilalabas upang maiwasan ang karagdagang o patuloy na pananakit o karahasan laban sa isang babae o sa kanyang anak, at upang magbigay ng iba pang kinakailangang proteksyon.
Layunin ng mga benepisyong nakapaloob sa protection order na maprotektahan ang biktima mula sa anumang dagdag na panganib, mabawasan ang anumang sagabal sa kanyang pang-araw-araw na buhay, at mabigyan siya ng pagkakataon at kakayahang muling makontrol nang mag-isa ang kanyang sariling buhay.
Ayon naman sa Seksyon 12 ng kaparehong batas, lahat ng Temporary Protection Orders (TPOs) at Permanent Protection Orders (PPOs) na inisyu sa ilalim ng nasabing batas ay maaaring ipatupad saan mang panig ng Pilipinas:
“Section 12. Enforceability of Protection Orders. – All TPOs and PPOs issued under this Act shall be enforceable anywhere in the Philippines and a violation thereof shall be punishable with a fine ranging from Five Thousand Pesos (P5,000.00) to Fifty Thousand Pesos (P50,000.00) and/or imprisonment of six (6) months.”
Samakatuwid, ang protection order, TPO man o PPO, na inisyu ng isang hukuman ay maaaring ipatupad saan man sa Pilipinas at hindi na kailangan magsumite pa ng panibagong aplikasyon kung magkakaroon man ng paglipat ng tirahan ang isang aplikante.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.







Comments