Batas at parusa sa pagharang sa fire hydrant
- BULGAR
- 3 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 9, 2025

Dear Chief Acosta,
Madalas ay may pumaparada malapit sa fire hydrant sa aming barangay. Ang ikinababahala namin ay ang potensiyal na problemang maidulot nito kung sakaling magkaroon ng sunog. Dahil dito, plano sana naming kausapin ang may-ari ng sasakyan dahil nais naming malaman kung ano ang batas na sumasaklaw rito, at kung maaari ba naming maging basehan ito upang pakiusapan ang nasabing drayber na iwasan ang pagparada sa nasabing fire hydrant. – Marcus
Dear Marcus,
Ang sagot sa iyong katanungan ay maaaring matagpuan sa ating batas, espesipiko sa Republic Act No. 9514, o mas kilala sa tawag na "Revised Fire Code of the Philippines.” Ayon sa Seksyon 8 (d) ng nasabing batas:
“Section 8. Prohibited Acts. - The following are declared as prohibited act and omission.
(d) Obstructing designated fire lanes or access to fire hydrants.
Ayon sa nabanggit, ipinagbabawal ang pagsasara o pagbabara ng mga itinalagang fire lane o daanan para sa mga bumbero, o pagharang sa access papunta sa fire hydrants. Hinggil dito, may ipinapataw na administrative fine sa sinumang mapatutunayan na lumabag sa mga probisyon ng Revised Fire Code of the Philippines:
“Section 11. Penalties.
1. Against the private individual:
a) Administrative fine - Any person who violates any provision of the Fire Code or any of the rules and regulations promulgated under this Act shall be penalized by an administrative fine of not exceeding Fifty thousand (P50,000.00) pesos."
Samakatuwid, maaaring mapatawan ng multang administratibo ang sino mang mapatutunayan na nagharang sa access o daanan papunta sa isang fire hydrant. Dahil dito, maaari n’yong maibahagi sa may-ari ng sasakyan ang nabanggit na batas at ang mga kaakibat na mga ipinagbabawal at kaparusahan sa mga kaugnay na paglabag.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




