Diskwento sa water bill, palawakin pa sana
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 10, 2025

Ngayong tumataas na ang halaga ng lahat ng bilihin, tila hindi na ito abot-kamay ng karaniwang Pilipino. Tama lang na bigyan ng diskwento ang mga mahihirap na pamilya, lalo na sa pangunahing pangangailangan katulad ng tubig.
Kaya naman, magandang balita ang hakbang ng pamahalaan na bigyan ng bawas-singil sa tubig ang mga benepisyaryo ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH).
Pero sana habang may ganitong uri ng programa, ‘wag sanang kalimutan na marami pang Pinoy ang naghihirap, hindi lang ang mga nasa 4PH.
Kamakailan, lumagda ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System–Regulatory Office (MWSS-RO) ng Memorandum of Understanding (MOU) para i-enroll ang mga 4PH beneficiaries sa Enhanced Lifeline Program (ELP).
Sa ilalim nito, makakakuha sila ng hanggang 50% diskwento sa water bill kapag ang konsumo ay 20 cubic meters o mas mababa kada buwan. Sakop nito ang East Zone (Manila Water) at West Zone (Maynilad).
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development
(DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, tugma ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas maginhawa ang buhay sa Expanded 4PH, hindi lang gawing tirahan, kundi tunay na komunidad na may access sa mga pangunahing pangangailangan.
Pero para makasali sa programa, kailangan ng Certification of Low Income at pagsunod sa lahat ng requirements ng ELP. Ang SHFC ang magtatakda kung aling mga komunidad ang dapat unahin sa Manila Water at Maynilad service areas, lalo na ‘yung may bulk water applications. Tungkulin naman ng MWSS-RO na tiyaking mabilis ang enrollment ng certified beneficiaries sa tulong ng concessionaires.
Kung tutuusin, maganda ang mga ganitong hakbangin. Ang tubig ay pangunahing pangangailangan, hindi ito luho. Kung kayang ibigay sa 4PH ang diskwentong magpapagaan ng kanilang buhay, malinaw na kaya rin itong ibigay sa mas malawak na sektor ng lipunan na kapos sa kita.
Hindi lahat ng mahihirap ay nakatira sa pabahay ng gobyerno. Marami ang daily wage earners, informal workers, at mga pamilyang laging kapos at tila hindi makahinga sa taas ng bilihin.
Kaya habang patuloy ang pagbibigay ng discount sa 4PH, panahon na para ikonsiderang palawakin ito. Hindi dapat piliin kung sino lang ang karapat-dapat gumaan ang buhay, lahat ng tunay na naghihirap ay dapat may access sa ganitong suporta. Ang tubig ay karapatan ng lahat, at ang diskwento ay dapat maging pantay para sa lahat ng nangangailangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com







Comments