top of page
Search
  • BULGAR

‘Proof beyond reasonable doubt’ para sa isasampang kasong kriminal

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Abril 8, 2024



Dear Chief Acosta,


Talaga bang kailangan na proof beyond reasonable doubt kung ang isasampa na kaso ay para sa paglabag sa batas kriminal? Mayroon kasing nais isampa na kasong kriminal ang kapatid ko. Dinala niya sa himpilan ng pulis ang mga ebidensya na nakalap niya. Pinayuhan daw siya na mangalap pa ng karagdagang ebidensya dahil mahina raw ang mga ebidensya na hawak niya at proof beyond reasonable doubt nga raw ang kinakailangan upang mahatulan ang taong irereklamo niya. Sana ay malinawan ninyo ako. -- Zaldie


Dear Zaldie,


Bagaman ang isang tao ay naakusahan ng krimen, ipinagpapalagay pa rin na siya ay inosente sa ibinibintang laban sa kanya, maliban na lamang kung mapatunayan sa hukuman ang kanyang pagkakasala. Ito ay malinaw na nakasaad sa Section 14, Article III ng ating 1987 Philippine Constitution:


“Section 14. x x x


(2) In all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved, x x x”


Ipinagtitibay ang nabanggit na karapatan ng akusado na maipagpalagay na siya ay inosente sa krimen hanggang sa ang kanyang kasalanan ay mapatunayan na lampas sa makatuwirang pagdududa o beyond reasonable doubt alinsunod sa Section 1 (a), Rule 115 ng ating Revised Rules of Criminal Procedure.  Ayon sa nasabing tuntunin:


“Section 1. Rights of accused at the trial. — In all criminal prosecutions, the accused shall be entitled to the following rights:


  1. To be presumed innocent until the contrary is proved beyond reasonable doubt. x x x”


Kung kaya’t maaaring may punto ang nakausap ng iyong kapatid kung sa pagsusuri nito ay mahina pa ang nakalap na ebidensya ng iyong kapatid laban sa taong nais niyang ireklamo.  Makabubuti rin naman para sa iyong kapatid ang nasabing payo sa kanya na mangalap pa ng karagdagang ebidensya upang lubos niyang mapaghandaan ang kaso na nais niyang isampa at mas malaki ang tsansa na sa kanya pumanig ang hukuman.


Ganoon pa man, nais naming bigyang-diin na ang proof beyond reasonable doubt ay hindi nangangahulugan na halaga ng ebidensya na magbibigay ng ganap na katiyakan o absolute certainty sa partisipasyon o pagganap sa krimen ng taong aakusahan/inaakusahan. Bagkus, ang kinakailangan na ebidensya laban sa huli ay yaong magbibigay ng moral na katiyakan sa isip ng isang taong walang kinikilingan na ginawa nga ng nasabing akusado ang krimen. Ito ay alinsunod sa tuntuning nakasaad sa Section 2, Rule 133 ng ating Revised Rules on Evidence (A.M. No. 19-08-15-SC):


“Section 2. Proof beyond reasonable doubt. — In a criminal case, the accused is entitled to an acquittal, unless his or her guilt is shown beyond reasonable doubt. Proof beyond reasonable doubt does not mean such a degree of proof as, excluding possibility of error, produces absolute certainty. Moral certainty only is required, or that degree of proof which produces conviction in an unprejudiced mind.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Kung sakaling kakailanganin pa ng iyong kapatid ng karagdagan at mas detalyadong pagpapayo, iminumungkahi namin na siya ay makipag-ugnayan sa aming PAO district office na pinakamalapit sa kanyang tirahan.  Karaniwang matatagpuan ang aming district offices sa loob o malapit sa munisipyo, kapitolyo, city hall o hall of justice ng bawat bayan, siyudad o probinsya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page