Promotional discount ng isang senior citizen
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 2, 2022
Dear Chief Acosta,
Ang aking ina ay isang senior citizen. Noong bumili kami sa isang tindahan ay hindi siya binigyan ng dalawampung porsyento (20%) na discount sa kadahilanang naka-promotional discount na diumano ang kanyang binili nang tatlumpung porsyento (30%). Tama po ba ang ginawa ng tindahan?
Quintin
Dear Quintin,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Republic Act No. 7432, as amended by Republic Act No. 9257 o Expanded Senior Citizens Act of 2003. Nabanggit sa Section 4 ng nasabing batas na:
“SEC. 4. Privileges for the Senior Citizens. –
“In the purchase of goods and services which are on promotional discount, the senior citizen can avail of the promotional discount or the discount provided herein, whichever is higher.”
Malinaw na nabanggit sa nasabing probisyon ng batas na kapag bumili ang isang senior citizen ng kalakal o anumang serbisyo na naka-promotional discount ay maaari lamang niyang mapakinabangan ang isa sa mga ito, kung alinman ang mas mataas ang diskuwento sa pagitan ng senior citizen discount o promotional discount.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments