Promotion, mainam para sa mga guro at school heads
- BULGAR

- Jun 10, 2025
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 10, 2025

Magandang balita para sa ating mga guro at mga school leaders: pasado na sa huli at ikatlong pagbasa sa Senado ang ating panukalang batas para i-institutionalize ang Career Progression System for Public School Teachers.
Matatandaang sa ilalim ng Executive Order No. 174 na nilagdaan noong Hunyo 23, 2022, itinatag ang Expanded Career Progression System upang magkaroon ng mas maraming oportunidad para sa ating mga guro. Alinsunod sa pagpapalawak ng mga oportunidad na ito, nilikha ng naturang executive order ang mga posisyong Teacher IV, V, VI, at VII at Master Teacher V.
Mahalagang hakbang ito, lalo na’t nais nating bigyang pagkakataon ang ating mga guro na mas umangat sa kanilang mga karera. Kaya naman naghain tayo ng panukalang batas upang matiyak nating magpapatuloy at mapapatatag pa natin ang ganitong polisiya.
Sa ilalim ng Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act (Senate Bill Number 3000) na isinulong ng inyong lingkod, palalawakin ang mga oportunidad para sa mga guro at mga school leaders pagdating sa pagtuturo at school administration at supervision. Ang mga posisyong Teacher I at Master Teacher I ang magsisilbing base positions para sa pinalawig na career progression system.
Nakasaad din sa panukalang batas na lilikha ang Department of Budget and Management ng mga bagong teaching position titles na Teacher IV, Teacher V, Teacher VI, Teacher VII, Master Teacher V, Master Teacher VI, School Principal V, Education Supervisor III, Education Supervisor IV, at Education Supervisor V. Ang mga naturang posisyon ay isasali sa Index of Occupational Services, Occupational Groups, Classes, and Salary Grades.
Sa ating panukalang batas, tiniyak nating ang kakayahan ng ating mga public school teachers at school leaders, alinsunod sa mga qualifications at professional standards, ang magiging batayan ng mga promotion. Para sa isang Master Teacher I, maaari niyang pasukin ang career line sa pagtuturo, school administration, o supervision.
Sa ilalim ng ating panukalang batas, imamandato sa Department of Education (DepEd) na magkaroon ng malinaw na mga pamantayan sa pagsusuri sa kakayahan ng mga guro at mga school leaders. Kailangan ding isapubliko ang proseso ng assessment, mga criteria, point system, pati na rin ang Standards-Based Assessment para sa mga guro at school leaders. Ito ay para tiyakin na magiging patas ang pagsusuri sa kakayahan ng mga guro at mga school leader na naghahangad ng promotion.
Ang subject area at pedagogical knowledge, pati na rin ang iba pang mga requirements ng professional standards ang magiging batayan sa promotion sa Teaching Career Line.
Ang professional standards pa rin ang magiging batayan ng promotion sa ilalim ng School Administration at Supervision Career Line, kung saan susuriin ang organizational and managerial effectiveness o epektibong pamumuno pagdating sa productivity, performance, efficiency, at iba pa.
Umaasa ang inyong lingkod na ganap na maisasabatas ang panukala nating ito. Kung maisasabatas natin ito, maituturing itong isang mahalagang tagumpay para sa ating mga guro.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments