Programang pang-edukasyon para sa mga PDL
- BULGAR

- Oct 12, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 12, 2024

Upang magkaroon ng mas marami pang oportunidad sa edukasyon ang mga person deprived of liberty (PDLs) o inmates, nakipag-partner na ang Department of Education (DepEd) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) hinggil dito.
Kasama ang BJMP, pinuri ni DepEd Secretary Sonny Angara ang programang “Tagapangalaga Ko, Guro Ko” na tumutulong sa rehabilitasyon at reintegration ng mga PDL, partikular na roon sa mga naka-enrol sa Alternative Learning System (ALS).
Ayon kay Angara, sa pamamagitan ng memorandum of agreement (MO) ay pinatatatag nila ang kanilang pangako na wala ni isang iiwanan. At sa tulong ng lahat, muli nilang pinagtitibay na ang bawat Pilipino, anuman ang kanilang kalagayan, ay karapat-dapat na mabigyan ng pagkakataong matuto at umunlad.
Binigyang-diin din ng kalihim na ang naturang programa ay hindi lamang nagbibigay ng edukasyon kundi pati na rin ng “pag-asa at dignidad” para sa ating mga inmates.
Lubos din ang pasalamat ni BJMP Chief Ruel Rivera sa DepEd sa pagsisikap ng kagawaran na matiyak ang kapakanan ng mga PDL.
Ang inisyatibong ito ay isang patunay ng pinagsamang pagsisikap ng BJMP katuwang ang DepEd na sumasailalim sa isang layunin na lumikha ng mas makatarungan at makatao na lipunan sa pamamagitan ng pagpapahalaga at pagtataguyod sa edukasyon, ani Rivera.
Sa ilalim ng naturang programa, nasa 5,596 PDLs ang naka-enrol sa elementarya, 9,286 sa junior high school, at 5,983 sa senior high school para sa school year 2023-2024.
Sinabi ni Rivera na sa nakalipas na tatlong taon, nakapagtala ang DepEd ng 20,000 average ALS enrollments ng mga inmates.
Isa sa susi ng magandang kinabukasan ay ang pagkakaroon ng tamang edukasyon.
Kaya naman napakabuti na ang ating mga kababayang PDL ay nabibigyan ng oportunidad na makapag-aral sa kabila ng kani-kanilang sitwasyon.
Sa ganitong paraan ay naipapadama at naipapabatid natin sa kanila na kahit na mabigat ang pinagdaraanan ay may pag-asa pa habang may naghihintay na magandang buhay kapag nakapagtapos na ng pag-aaral.
Gayundin, naibabahagi natin sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng edukasyon, at kasabay nito ay magbibigay sa kanila ng pagkakataong makapagbagong buhay.
Hiling natin sa kinauukulan na ipagpatuloy lamang ang mga programang pang-edukasyon na makakatulong sa mga PDL.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments