top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Problema sa mga plastik mula noon hanggang ngayon

BULGAR
Mar 23, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 23, 2022


Noong nakaraang Miyerkules ay muling itinuloy ang ikalimang session ng United Nations (UN) Environment Assembly (UNEA-5) na dinaluhan ng mga delegado na sama-samang nagbubuo ng isang global treaty upang tuluyan nang wakasan ang plastic pollution sa taong 2024 sa buong mundo.


Mahigit sa 3,400 katao ang dumalo at nasa 1,500 naman ang virtual participants mula sa 175 UN member states sa isinagawang global environment forum sa loob ng magkakasunod na tatlong araw upang pandayin kung paano masusugpo ang problema pa rin sa paggamit ng plastic.


Sa ating bansa ay umiiral na ang Single-use Plastic Products Regulation Act kung saan ay napaulat na ang Philippine House of Representatives ay unanimous ang boto noong Hulyo 28, 2021 na nagbabawal na sa production, import at pagbebenta ng single-use food packaging products.


At halos lahat ng siyudad at munisipalidad sa bansa ay nagpasa na rin ng kani-kaniyang ordinansa hinggil sa pagbabawal na nang paggamit ng plastic bag at iba pang plastic product ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito siyento porsiyentong naipatutupad.

May mga kilalang shopping mall at iba pang malalaking pamilihan ang hindi na talaga gumagamit ng plastic bag at ang iba ay nag-aalok pa ng eco-bag ngunit marami pa rin ang hanggang ngayon ay plastic bag pa rin ang ginagamit.


May ilan namang pamilihan na kapag nag-request ka ng plastic bag ay pababayaran ito dahil ang kita umano rito ay napupunta sa karagdagang panggastos sa paglilinis ng mga baradong kanal dulot ng plastic ngunit marami rin naman ang papel na supot na talaga ang ginagamit.


Ngunit sa mga palengke ay lantaran pa rin ang paggamit ng plastic at hindi alintana ng marami sa ating kababayan ang umiiral na batas hinggil dito dahil tila napakahirap nang baguhin ang nakasanayang paggamit ng plastic sa pagbili ng isda, karne o kahit gulay.


Ang resulta, bagama’t naibsan nang bahagya ang tone-toneladang basura ng plastic na nahahakot sa mga imburnal ay hindi pa rin maitatanggi na gabundok pa ring basura mula sa itinapong plastic bag at iba pang plastic product ang nagiging sanhi ng pagbaha.


Matinding problema pa rin sa kasalukuyan ang plastic management para sa single-use plastic dahil sa hindi ito nabubulok o kusang natutunaw na labis na nakaaapekto sa ating ecosystems.


Hanggang ngayon, ang Pilipinas ay nakakaipon ng 1.01 milyong metric tons ng mismanaged na plastic kada taon at ang mga plastic na gawa sa fossil fuels ay naglalabas ng greenhouse gases mula sa produksiyon hanggang sa disposal.


Napakadali kasing sabihin na ipagbawal pero wala naman tayong alternatibong paraan kung paano bibigyan ng solusyon ang problema ng mga namimili sa palengke at sa mga nagtitinda o kung meron mang naiisip tulad ng pagdadala ng bayong o basket ay dapat na paigtingin ang pagpapatupad.


Sabagay ang Pilipinas ay hindi na ang ikatlong pinakamalaking contributor ng marine plastics sa buong mundo dahil nasa pang-limang spot na tayo kasunod ng mga bansang Indonesia, India, United States, Thailand at Brazil.


Ibig sabihin, sa kabila ng umiiral na batas at kabi-kabilang paalala ay hindi tayo nawawala sa Top 10 list na nagbibigay perhuwisyo sa milyun-milyong tonelada ng mismanaged plastics na nagkalat na hanggang sa iba’t ibang bahagi na ng karagatan.

Dalawampung porsyento ng plastics sa marine environment ay nanggagaling sa mga barko tulad ng tourism cruise lines at fishing vessels ngunit 80 porsyento ay nanggagaling mismo sa iba’t ibang bahagi ng malawak na lupain ng bansa.


Nasa 65 porsyento sa mga basurang ito ay mula sa mga illegal dumpsites at ang natitirang 35 porsyento ay mula sa mga sanitary landfills, hindi pa kabilang dito ang tinatawag na mismanaged plastics.


Ang nakapagtataka, ang paggamit ng single-use plastic ay patuloy pa rin ang pagtaas sa kabila ng pagpapatupad ng plastic ban ng mga lokal na pamahalaan at hindi ‘yan maitatanggi ng tone-toneladang plastic na patuloy din sa pagdami hanggang ngayon.


Wala akong tutukuying lugar kung sino ang mas marami ang kontribusyon sa pagkakalat ng plastic, pero may inilabas na listahan hinggil dito ngunit nais kong bigyang pansin na halos lahat naman ay nagpabaya maliban lamang sa ibang lugar na hindi gaano ngunit nagpabaya pa rin.


Sa mga bahagi ng karagatan na marami pa ang mangroves ay malaking bagay ito dahil nagsisilbi itong natural filtering mechanism para pigilan ang pagkalat ng itinapong plastic patungo sa gitna ng karagatan.


Marami ng karagatan sa bansa ang nagsilayo na ang mga isda na labis na nagpapahirap sa mga mangingisda dahil wala na silang mahuli dahil sa labis nating pagkakalat ng plastic at maging ang mga ibon ay nangamamatay na rin.


Kaya sa kapaligiran man o sa pag-uugali ay bawal dapat ang plastic!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page