top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Priority list sa bakuna, wa’ ‘wenta kung may sisingit!

  • BULGAR
  • Mar 28, 2021
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 28, 2021


Hindi pa rin tapos ang usapin hinggil sa mga naunang nagpabakuna kontra COVID-19, sa kabila ng kautusang health workers ang prayoridad sa pagpapabakuna.


Kaugnay nito, isinusulong ng ilang senador na parusahan ang mga opisyal ng gobyerno, gayundin ang isang aktor na naunang nagpabakuna kontra COVID-19 kaysa sa mga pribadong sektor at mga nasa priority list.


Giit pa ng mambabatas, dapat bigyan ng mabigat na parusa at kasuhan ang mga ito dahil health workers ang dapat maunang bakunahan dahil sila ang direktang nakaharap at nakikipaglaban sa pandemya.


Dahil sa Hulyo na ang dating ng bulto ng bakuna para sa publiko, dapat umanong sa Hulyo pa maturukan ang mga alkalde para makahikayat sa publiko.


Gayunman, paliwanag ng isa pang mambabatas, Department of Justice (DOJ) ang dapat magdetermina kung hindi nasusunod ang prioritization plan ng gobyerno.


Umpisa pa lang, ito na ‘yung iniiwasan nating mangyari — ang maabuso ng nasa posisyon ang kanilang kapangyarihan para sa kanilang sariling kapakanan.


Nakadidismaya dahil matagal nang sinabi na health workers ang mauunang maturukan, pero heto at nangyari pa nga ang singitan.


Kaya ang tanong, para saan pa ang priority list kung mag-uunahan din? “We heal as one” raw, pero nauna pa ang mga ‘di naman prayoridad sa bakuna.


Panawagan sa mga kinauukulan, aksiyunan ang isyung ito at tiyaking hindi na mauulit. Napakarami pa nating health workers na kailangan maturukan, lalo pa’t tumaas ang bilang ng mga ito na tinamaan ng COVID-19.


Siguro nga, lahat tayo ay gustong malayo sa sakit, pero sana, sa pagkakataong ito, iprayoridad natin ang mga medical frontliners na araw-araw nagbubuwis ng buhay para makapagsalba ng mas marami pang buhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page